PERMANENT OFFICE BUILDING PARA SA POC ASAM NI BAMBOL

BUKOD sa COVID-19 vaccine para sa Filipino athletes, may isa pang mahalagang isyu ang nais tugunan ng Philippine Olympic Committee (POC) na hindi napagtuunan ng pansin ng mga nakalipas na liderato.

Binigyang-diin ni POC President Abraham ‘Bambol’ Tolentino na panahon na para magkaroon ang Olympic body ng bansa ng isang workplace na matatawag nitong tahanan, isang bagay na wala sa organisasyon magmula nang itatag ito noong 1911.

Sa kasalukuyan, ang POC ay nag-oopisina sa Philsports Complex sa Pasig, kung saan matatagpuan din ang Department of Education (DepEd), at sa mahabang panahon ay minsang naka-base sa Rizal

Memorial Sports Complex kasama ang Philippine Sports Commission (PSC).

Umaasa si Tolentino na makakakita ng lugar na angkop sa estado ng POC.

“Mabigat mang sabihin, we’re not informal settlers, pero nakikitira lang kami sa POC the past years sa facilities ng PSC. Malungkot mang sabihin, baka isa sa buong mundo, o sa Asya o kaya sa ASEAN, unlike other countries, ang Filipinas lang ang walang permanent office building ang POC,” sabi ng POC chief sa unang session ng Sportswriters Association (PSA) webcast Forum para sa 2021 kahapon.

“In my term, sana maadhika naman natin na magkaroon ng permament office building (ang POC).

That’s one of my major dreams and agenda in my four-year term in the POC.”

Ang gusali, ayon kay Tolentino, ay pagtatayuan ng POC office, isang board room, at posibleng isang museum na tutunton sa mayamang kasaysayan ng Philippine sports, gayundin ng POC magmula nang una itong itatag, may 110 taon na ang nakakalipas bitbit ang pangalang Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF).

Gayunman, ang makakita ng ‘perfect place‘ para paglagyan ng opisina ay isang malaking alalahanin lalo na’t may kamahalan ang mga lote sa Metro Manila sa panahon ngayon.

Ngunit kung bibigyan ng pagkakataon, nais ni Tolentino, na siya ring kinatawan ng 8th district ng Cavite, na magkaroon ng opisina sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ground.

“Sa CCP mayroon pa diyan. Ano ba naman ‘yung 1,000 square meters ang ibigay ninyo. Kami na sa POC ang magpapagawa ng building diyan. May space pa doon sa Coconut Palace or sa (Manila) Film Center,” ani Tolentino.

“Para naman may disenteng mukha ang POC. And at the same time, awareness din sa public.”

Comments are closed.