HALOS isang buong taon nang namamalagi sa Italy si Olympic pole vaulter EJ Obiena, habang ang mga kasamahan niya sa Philippine athletics team ay hati na nagsasanay sa Amerika at sa Baguio City.
Tulad ni Obiena na patuloy ang pamimitas ng medalya sa European league, tuloy rin ang matikas na kampanya ni Olympic gymnast Carlos Yulo sa Japan.
Andiyan pa rin si Tokyo Olympics weightlifting gold medalist Hidilyn Diaz. Umaani ng karangalan ang karatekas at taekwondo jins sa world stage, habang puspusan ang pagsasanay ng volleyball team sa Brazil, at nananatiling lakas ng Team Philippines ang basketball.
Mahigit P200 milyon ang inilaan ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa pagsasanay at paghahanda ng Team Philippines sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-23. At sa kabila ng mahabang panahong kawalan ng face-to-face training dulot ng COVID-19 pandemic, kumpiyansa si PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa magiging laban ng mga atletang Pinoy.
Hindi man muling maging kampeon, mananatili sa Top 3 ang Team Philippines.
Para kay Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, isang ‘fighting team’ ang Team Philippines sa Vietnam edition.
Hindi madedehado ang atletang Pinoy, ayon kay Tolentino, dahil bahagi ng koponan ang mga miyembro sa isinabak na 656-strong Team Philippines na nagbigay ng dangal para sa overall championship sa Manila edition noong 2019 tangan ang kabuuang 149-117-121 gold-silver-bronze medal haul.
“Our athletes will fight and will do their best to bring the overall championship back to the country,” pahayag ni Tolentino.
“Preparations by our athletes are peaking and the national sports associations, just like the POC, are focused at keeping the country’s strong position in the Games,” aniya.
Isinantabi ni Tolentino ang malaking bilang ng Team Vietnam na isasabak na 965 atleta — 534 lalaki at 431 babae – gayundin ang prediksiyon na maipapanalo ng host ang 140 gold, 77 silver at 71 bronze medals.
Kabuuang 40 sports, tampok ang 526 events ang aprubado ng Vietnam SEAG organizers. Nagbigay ng matinding mensahe ang Vietnam na may second-ranked overall 98-85-105 tally noong 2019 na hangad nitong madominahan din ang Games na iho-host nito sa ikalawang pagkakataon pa lamang magmula noong 2003.
Malaking hamon sa PSC ang lockdown sa bansa na nagresulta sa mahabang pamamahinga sa pagsasanay ng mga atleta. Para manatiling kondisyon at may maayos na kaisipan sa gitna ng pakikibaka ng bansa maging ng buong mundo sa pandemya, nanatili ang ugnayan ng ahensiya sa mga atleta sa pamamagitan ng webinar. Kagyat ding pinayagan ng PSC ang bubble setup ng training matapos navunti-unting luwagan ang alert level status sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Naging balakid din ang hidwaan sa pagitan ni Obiena at ng kanyang asosasyon na Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) na kamuntikan nang magresulta sa hindi pagkakasama ng Olympian pole vaulter sa koponan.
Namagitan si Ramirez at sa napagkasunduang mediation ay naresolba ang suliranin at naplantsa ang gusot.
“It is a learning experience for all. For us in the PSC, this experience is historical because it is our first-ever foray into sports mediation, and it showed us areas where we can craft policies for improvement,” pahayag ni Ramirez.
Ikinatuwa ng sambayanan ang pagkaresolba ng isyu ni Obiena, na kung pagbabasehan ang mga naitatalang marka, hindi maikakaila na kabilang siya sa inaasasahan na muling makapagbibigay ng gintong medalya mula sa Olympics sa Pilipinas.
Bukod sa nabanggit na mga sports, hindi pahuhuli sa Philippine Team ang table tennis, football, wrestling, wushu at combat sports na boxing at wrestling.
“Lahat ng mga bansa naapektuhan sa COVID-19. Hindi man naging mahaba ang face-to-face training ng ating mga atleta, sa puso at diwa, hindi matitinag ang ating mga atleta. Lalaban tayo para sa bayan,” pahayag ni PSC Commissioner at SEAG Chief of Mission Ramon ‘El Presidente’ Fernandez.
Siniguro rin ni Fernandez na pawang nabigyan ng bakuna at booster shots laban sa COVID-19 ang atletang Pinoy at hindi na ikinagulkat ng SEAG Federation ang mahigpit na pagpapatupad ng safety and health protocol sa biennial meet.
“Athletes and coaches will be confined to their respective areas and hotels for the duration of their stay,” sabi ni Fernandez. EDWIN ROLLON