LUMOBO ang budget deficit ng pamahalaan noong 2021 makaraang mahigitan ng COVID-19 recovery measures ang revenue collections, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa datos ng BTr, ang gobyerno ay nagtala ng budget shortfall na P1.67 trillion, mas mataas ng 21.78% o P298.7 billion kumpara sa P1.37-trillion fiscal deficit na naiposte sa buong taon ng 2020.
Ang full-year 2021 budget deficit ay katumbas ng 8.61% ng country’s gross domestic product (GDP), mas mababa kaysa sa ceiling ng pamahalaan na 9.3% fiscal gap bilang percentage ng GDP.
Ayon sa BTr, ang deficit noong nakaraang taon ay resulta ng 10.60% growth sa government expenditures sa kabila ng pagtaas ng 5.24% sa revenue collections.
Sa datos ng Treasury, ang paggasta ng pamahalaan sa January-December 2021 period ay umabot sa P4.675 trillion, mas mataas ng P448.2 billion o 10.60% kumpara sa P4.227 trillion expenditures noong 2020.
Ayon sa BTr, ang pagtaas ng state spending noong nakaraang taon ay dahil sa “infrastructure and other capital expenditures, continued spending for various recovery measures including vaccine procurement and equity infusion in support of GFI (government financial institution) lending assistance programs, as well as higher IRA (internal revenue allotment) shares of LGUs (local government units).”
Gayunman, kumpara sa full-year program na P4.737 trillion, ang government expenditures ay mas mababa ng 1.30% dahil sa lower-than-programmed interest payments.
Ang primary expenditure ay bumubuo sa 91% o P4.2 trillion ng total expenditures para sa 2021, tumaas ng 10.38% year-on-year.
Samantala, ang revenue collections noong 2021 ay nasa P3.005 trillion, mas mataas ng 5.24% o P149.6 billion kumpara sa P2.885 trillion na naitala noong 2020.
Ang koleksiyon noong nakaraang taon ay mas mataas ng 4.30% kumpara sa target na P2.881 trillion.