POSIBLE pa ang lahat kung ang kampanya ng Philippine men’s basketball team sa 18th Asian Games ang pag-uusapan.
Ayon kay Richard Gomez, ang Chef De Mission ng bansa sa Asiad, ‘technically’, ang cage team ay nananatilng bahagi ng kumpetisyon ng quadrennial meet dahil hindi pa nagpapadala ang Philippine Olympic Committee (POC) ng pormal na komunikasyon sa Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) hinggil sa desisyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na umatras sa August 18-September 2 showcase.
Umaasa si Gomez na muling isasaalang-alang ng SBP, sa pamumuno ng presidente nito na si Al Panlilio, ang desisyon nito na huwag magpadala ng koponan sa Asian Games.
“Puwede pa kasi hindi pa tayo official na nagpapadala ng withdrawal sa Asian Games. Nasa level pa lang natin,” wika ni Gomez sa special session ng weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Athletes Lounge sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.
“We never know baka in the coming days magbago ang isip nila, wait and see lang muna tayo,” dagdag pa niya.
“But the Asian Games, at least sa level natin, is not yet closing the door na hindi tayo magpapadala ng team. We’re still hoping na may maipapasok pa rin tayo.”
Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ng SBP ang pag-atras nito sa Asiad, at sinabing ang ‘oras at tiyansa na lumahok sa 2018 Asian Games ay hindi magiging pinakamainam’ sa kabila na naghihintay lamang ang PBA ball-club Rain or Shine na katawanin ang bansa.
Sa halip, sinabi ng SBP na magpopokus na lamang ito ngayon sa kampanya ng bansa para sa idinadaos na FIBA World Cup qualifiers at sa hosting ng 2023 World Cup dito.
Ang last-minute decision ay ikinagulat ng lahat, kabilang si Gomez.
“The Asian Games is as important as the World Cup and is as important as the Southeast Asian Games. Maybe the SEA Games is not a stronger competition than the Asiad. The fact that we have team, you have to represent basketball in the Asian Games,” pagbibigay-diin ni Gomez.
“Parang unspoken commitment natin ‘yun, not only for the NSA but for the Filipino people,” sabi pa ng Philippine Fencing Association head at kasalukuyang alkalde ng Ormoc City.
“If you’re gunning for the World Cup, manalo muna tayo sa Asian Games. Go for the smaller apple first, then let’s get the big apple next.”
Subalit sakaling magbago ang isip ng SBP, sinabi ni Gomez na kailangang kumilos agad ang federation dahil walang magagawa ang Philippine Olympic Committee (POC) kundi ang pormal na iatras ang basketball entry sa August 9 delegation registration sa Jakarta.
“Dapat by Wednesday (next week) finalize na ‘yun,” aniya.
Gayunman, sinabi ng actor-sportsman na igagalang niya ang desisyon ng SBP kung hindi na ito magbabago.
“It’s sad for Philippine basketball fans na hindi tayo magpapadala ng basketball team sa Asian Games. Even if I’m the chef de mission, as much as gusto kong magpadala ng team, kung wala namang ibibigay yung NSA, wala akong magagawa,” dagdag pa niya.
“But again, that’s the decision, tanggapin na lang natin siguro na ganoon.”
Comments are closed.