PINATUNAYAN ng 18-man Philippine swimming team ang kahandaan sa kompetisyon matapos ang impresibong ratsada na nagresulta sa kabuuang 16 medalya, tampok ang dalawang ginto sa katatapos na 45th Southeast Age Group Championship sa Jakarta, Indonesia.
At sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na mga taon, tumayo sa podium ang 16-anyos na diver na si Joseph Reynado para tanggapin ang bronze medal sa Boys Platform event (16-18).
“It was a success despite sending a small contingent. Most of the swimmers got their personal best. We were solid and everybody was in high spirits,” pahayag ni head coach Ramil Ilustre.
Pinangunahan nina Jennuel Booh De Leon at Arabella Nadeen Taguinota ang kampanya ng Pinoy sa impresibong panalo sa kani-kanilang kategorya sa ikalawang araw ng kompetisyon na umakit ng partisipasyon ng premyadong junior swimmers mula sa walong bansa.
Inangkin ni De Leon, 16, pambato ng Aklan, ang ginto sa boys’ 16-18 class 50m butterfly sa tiyempong 25.40 segundo laban kina Malaysian swimmer Bernie Elle Yang Lee (25.49) at Thanaseat Thanonthisitsakul ng Thailand (25.72).
Pinakamabilis naman ang 14-anyos na si Taguinota mula sa Pasig sa girls’ 14-15 100m breaststroke sa oras na 1:13.40 laban kina Vietnamese Thuy Hien Nguyen (1:14.07) at Natthakita Leekitchakorn ng Thailand (1:14.50).
Ang gold medalist sa nakalipas na taon sa 13-under class na si Jamesray Ajido mula sa Quezon City ay humirit ng tatlong silver medal sa boys’ 14-15 category 50m butterfly (25.93), 100m fly (57.12) at 100m backstroke (1:00.68), habang si Estifano Ramos ang nagbigay ng pang-apat na pilak sa bansa sa naitalang 2:10.39 sa boys’ 16-18 200m Back.
Nagwagi rin si De Leon ng bronze sa 50m freestyle (24.35), habang kumubra ng tatlong bronze medal si Aishel Evangelista ng Caloocan City sa boys‘ 13-under 200m free (2:05.12), 200m Individual Medley (2:19.83) at 400m IM (4: 56.01).
Ang iba pang bronze medalists ay sina Clark Ken Apuada sa boys’ 14-15 50m free (24.64); Jalil Taguinod sa boys’ 16-8 50m breast (29.99); Ivo Enot sa 100m back (59.21); Peter Cyrus Dean sa 50m back (27.38) at Mishka Sy sa girls’ 16-18 200m IM (2:23.29).
-EDWIN ROLLON