PH MAPAPALABAN AGAD SA INDONESIA SA CAMBODIA SEAG VOLLEYBALL

INAASAHANG haharapin ng Pilipinas ang regional powerhouse Indonesia sa pagsisimula ng men’s volleyball competitions ng Cambodia 32nd Southeast Asian Games sa May 3—dalawang araw bago ang opening ceremony ng Games.

Ang Pilipinas ay ipinasok sa Group A ng men’s volleyball program sa re-draw na isinagawa online noong Martes ng hapon ng Cambodia volleyball federation at ng Cambodia SEA Games Organizing Committee.

Ayon kay Philippine National Volleyball Federation secretary-general Donaldo Caringal, ang re-draw ay isinagawa upang madetermina ang rankings sa grupo.

“The process was simplified and done quickly,” ani Caringal.

Ginamit ng Cambodia ang karapatan nito sa first choice bilang host at pinili ang No. 1 spot, sumunod ang Indonesia sa No. 2, No. 3 ang Pilipinas, No. 4 ang Singapore.

Sisimulan ng hosts, bronze medalist sa Vietnam noong nakaraang taon, ang kanilang kampanya kontra lowly Singapore.

Nasa Group B ang defending champion Vietnam, Thailand, Malaysia at Myanmar.

Yumuko ang Indonesia sa Vietnam sa finals noong nakaraang taon, ngunit nananatiling No. 1 men’s volleyball team sa SEA Games na may 11 gold medals.

Sinamahan ni Philippine Olympic Committee deputy secretary-general Karen Tanchanco si Caringal sa virtual meeting na pinamunuan ni Cambodia volleyball federation secretary-general Dr. Aing Serey Piseth. Dumalo rin ang volleyball officials mula sa Indonesia at Singapore.