PH TRADE DEFICIT LUMOBO $3.995-B noong Setyembre

LUMAKI ang trade deficit ng bansa noong Seryembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa preliminary data, ang trade gap ay lumobo sa $3.995 billion noong Setyembre, tumaas ng 76.3% mula $2.266 billion sa kaparehong buwan noong 2020.

Ang trade deficit noong Setyembre ay mas malaki rin sa $3.509-billion deficit na naitala noong Agosto.

Ang total trade — ang kabuuan ng external trade in goods ng bansa — ay nagkakahalagang $17.35 billion, tumaas ng 16.9% mula $14.838 billion noong nakaraang taon.

Nagkakaroon ang bansa ng trade deficit kapag mas malaki ang halaga ng inaangkat na mga produkto sa pandaigdigang merkado (imports) kaysa sa iniluluwas (exports).

“A deficit indicates that the value of a country’s imports exceeded export receipts, while a surplus indicates more export shipments than imports,” ayon sa PSA.

Lumago ang imports ng 24.8% year-on-year sa $10.67 billion dahil sa pagtaas sa lahat ng top 10 major commodity groups na pinangunahan ng mineral fuels, lubricants at related materials na may 117.4% pagtaas.

“This was followed by medicinal and pharmaceutical products (105.8%); and iron and steel (67.1%),” sabi ng PSA.

Ang China ang pinakamalaking supplier ng imported goods na nagkakahalagang $2.33 billion o 21.8% ng total imports noong Setyembre.

Ang iba pa sa top five major import trading partners ay ang Japan na may $970.65 million o 9.1% share sa total imports, South Korea na may $862.61 million o 8.1% share, Indonesia na may $810.96 million o 7.6% contribution, at ang United States, na may $659.5 million o 6.2%.

Samantala, ang exports ay lumago ng 6.3% sa $6.68 billion sa likod ng pagtaas ng top 10 commodity groups pagdating sa halaga ng exports, sa pangunguna ng chemicals sa 55.4%, kasunod ang gold sa 44.3%, at cathodes at sections of cathodes, ng refined copper sa 39.8%.

Ang exports sa US ay nagkakahalagang $1.17 billion o share na 17.5% sa total exports sa naturang buwan.

Kasunod ng US ang China na may exports na nagkakahalagang $1.05 billion o 15.7% share, Japan na may $936.63 million o 14% share, Hong Kong na may $917.19 million o 13.7%, at Singapore na may $402.58 million o 6% share.