PH UMUKIT NG KASAYSAYAN SA FIVB BEACH VOLLEYBALL

GUMAWA ng kasaysayan ang Pilipinas sa FIVB Beach Volleyball U19 World Championships makaraang gapiin nina rising stars Jayrack De la Noche at Alexander Iraya sina Karmo Saviauk at Kaur Erik Kais ng Estonia, 16-21, 21-15, 15-12, sa pagtatapos ng pool rounds Huwebes sa Phuket, Thailand.

Matapos ang dalawang talo, nagpakita ng katatagan sina De la Noche at Iraya sa pagdispatsa kina Saviauk at Kais upang ibigay sa bansa ang kauna-unahan nitong panalo sa anumang world championship-level beach volleyball competition.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na kunin ang isang puwesto sa Round of 24 makaraang pataubin nina Jack Pearse at Lucas Josefsen ng Australia sina Narakorn Chumaphai at Veerayut Sopati ng Thailand, 17-21, 21-17, 15-7.

Tabla ang mga Pinoy sa Thais na may 1-2 win-loss record at patas din sa points na may apat, ngunit nakopo nina Narakorn at  Veerayut ang ikatlo at huling round-of-24 slot sa Pool H ss bisa ng superior set ratio—4-4 to 2-5.

Sinamahan ng Estonia ang Australia sa knockout stage.

Sina De la Noche at Iraya ay matikas na nakihamok sa second set bago yumuko kina  Narakorn at Veerayut, 15-21, 19-21, sa opening day at nakipagsabayan sa opening set bago nalasap ang 20-22, 9-21 decision kina Pearse at Josefsen.

Ang  Negrense pair ay sasabak din sa FIVB Beach Volleyball U21 World Championships na nakatakda sa December 14-19 sa Phuket din.

Kasalukuyang ranked No. 351 sa mundo, sina De la Noche at Iraya ay gumawa ng historic run sa quarterfinals ng Fourth Asian U21 Championships sa Nakhon Pathom noong nakaraang Hulyo.

Ang mga Pinoy ay ipinadala sa torneo ng Philippine National Volleyball Federation at suportado ng Philippine Sports Commission, Rebisco, Asics at ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.