HUWAG magpatibag sa pandemya. Magnegosyo ka! Malakas ang Pinoy at hindi tayo kayang padapain ng ganito lamang na problema. Actually, pagkakataon ito para sa bagong oportunidad para umasenso.
E paano kung ang pera mo, Php1,000 na lang? Ito yung perang mabaryahan lang, ubos na agad. Pero believe it or not, pwede itong pagsimulan ng inyong pagyaman.
Pero bago ang lahat, alamin muna kung ano ang pangangailangan ng merkado at tiyaking naiiba ang iyong produkto o serbisyo. Kung pare-pareho kasi, mas mataas ang posibilidad ng failure kaysa sa success. Kailangan ding maging creative at innovative, pero katanggap-tanggap sa mercado.
Dahil Pasko ngayon, subukan natin ang hamon. Tatlong kilo muna ang bilhin natin na tigkakalahating kilo bawat isang sukat. Actually, mas maganda kung ipakikilo ito ng pitong 400 grams at isang 200 grams dahil hindi pa nailalagay ang panimpla. Sa presyong P500 per kilo ngayon sa mercado ng hamon, aba, tubong lugaw ka. Bawat piraso ng kalahating kilong hamon ay maibebenta ng P250 at P150 naman yung ¼ kilo. In other words, makakabenta ka ng Php1,900 sa tatlong kilong karne na ang puhunan lamang ay hindi pa aabot sa P800. And mind you, ang daling ibenta ng hamon lalo na ngayong Pasko dahil Pasko nga. Malilibre pa ang hamon ng pamilya.
Pwede rin namang magtapsilugan na ang puhunan ay isang libong piso rin. Yung dati nga naming kapitbahay sa Makati, P200 lang ang puhunan nakapagtapsilog. Kasi, ang kailangan lang naman ay isang kilong bigas (P40), pitong itlog (P42), isang ulong bawang (P10), 6 pcs ng jumbo hotdog (28), asin (P5), at mantika (P25). Bawat serving at may kapital na P20 kaya pwede itong ibenta ng P25 per serving. Plus P5 pala na labor at gas kaya P30 per serving yon. Sa simula lang naman yon. Sa susunod, dalawang kilong bigas na ag bilhin ninyo (14 servings) at kalahating tray ng medium eggs na ang presyo ay P60. Medyo makakamura kasi kayo pag maramihan ang bili. Pwede na rin kayong bumili ng chopped veggies (P20), oyster sauce (P6) at margarine (P10) para sa side dish, pero syempre, iba ang presyo ng may side-dish. Dagdag P5 yon sa bentahan.
Pwede ring home delivery na lang para iwas-Covid, lalo na kung may bisikleta kayo. Sa mura ng tinda ninyo, baka araw-araw, magdagdag kayo ng puhunan hanggang eventually, mapipilitan na kayong magtayo ng tapsilugan kahit isang mesa at apat na upuan lang.
Kung maliit lang na negosyo na ang puhunan nga ay P1,000 and below lang, hindi na ito kailangang i-register. Kapag medyo malaki na, sa barangay muna at mura lang ‘yon – P150 per year. –SHANIA KATRINA MARTIN