KASABAY ng pahayag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na masusi niyang pag-aaralan ang panawagang alisin na ang value added tax (VAT) sa singil sa tubig, koryente, gayundin sa toll fee, iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na dapat nang simulan ng Kamara ang pagtalakay sa mga panukalang batas na may kinalaman sa naturang usapin.
Ayon kay Castro, isang positibong kaganapan ang nasabing pahayag ng Punong Ehekutibo at mas magiging makatotohanan ito kung sasabayan ng Lower House na isalang na rin sa deliberasyon ang iba’t ibang House bills na nagsusulong sa VAT exemption ng ilang public utilities and services,
“Sa sinabi na pinaaaral na ni Pres. Marcos Jr. na tanggalin ang VAT sa mga public utilities/services ay dapat nang simulan ng komite (sa Kamara) ang pagdinig sa House Bill 5994 or the bill removing value added tax (VAT) on systems loss in electricity; House Bill 5995 removing VAT on electricity bills; House Bill 5996 removing VAT on toll fees; and House Bill 5997 removing VAT on water bills, para masimulan na ang diskusyon dito at mas mabilis na matanggal na ito sa pinapasan ng mga consumer,” sabi ng House Deputy Minority Leader.
“Ang kailangan lang bantayan ay ‘wag magresulta ng pagpalit lang ng panibagong bayarin o buwis kapag tinanggal ang VAT tulad ng mistulang nangyayari ngayon sa Maynilad at Manila Water. Tinanggal nga ang VAT sa kanila at itinaas ang franchise tax nila batay sa bagong concession agreement pero sobra naman ang inihihirit nilang dagdag singil sa ngayon,” dagdag pa ng kongresista.
ROMER R. BUTUYAN