KINUWESTIYON ni Senadora Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) sa biglang pagtaas ng presyo ng manok sa kabila na hindi naman nagkukulang ang suplay nito sa mga pamilihan.
Ayon kay Marcos, maaaring sinasamantala ng mga sindikato ang mataas na demand ngayon ng manok matapos na pumutok ang African Swine Fever (ASF) scare dahilan kung bakit halos walang bumiibili ngayon ng karne ng baboy sa mga palengke at supermarket.
“Ano ba ang dahilan kung bakit biglang tumaas ang presyo ng manok? Huwag nilang sasabihing kulang ang supply ng manok dahil hindi naman talaga nagkukulang. Ano ba ‘yan, simpleng mamimili na naman ang tatamaan dito,” diin ni Marcos.
Sa ngayon, ang bentahan ng bawat kilo ng dressed chicken ay umaabot na sa P180 hanggang P200 mula sa dati nitong presyo na P140 hanggang P150. Inaasahan pang tataas ang presyo nito pagpasok ng Disyembre, base na rin sa pahayag ng DA.
Nagbabala rin si Marcos sa pamunuan ng DA sa ‘artificial shortage’ na maaaring gawin ng mga negosyante o kartel ng manok para masiguro nila ang mataas na presyo nito sa mga binabagsakang pamilihan.
“’Yang kartel ng manok ay kayang-kayang laruin ang presyo at palabasin na may shortage ng manok kahit wala naman. Kailangan talagang kumilos ang DA,” panawagan ni Marcos.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado nitong nakaraang linggo ay nangako si DA Undersecretary for Operations Ariel Cayanan na kanilang babantayan ang presyo ng manok sa mga pamilihan at kung naipatutupad ang suggested retail price.
“Nasaan ang pangako ni Usec. Cayanan? Bakit hindi nila kayang bantayan ang pagtaas ng presyo ng manok? Mukhang puro lang pangako itong si Cayanan!” galit na pahayag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.