(Pinabubusisi sa Senado) ILLEGAL ONLINE LENDING PLATFORMS

Joel Villanueva

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga hindi awtorisado at hindi rehistradong online lending platforms sa bansa na nakakapambiktima ng daan-daang mga Pilipino.

Inihan ni Villanueva ang Senate Resolution No. 641 sa harap ng pagdami ng lending transactions sa pamamagitan ng digital platforms, kung saan dumarami rin ang kaso ng mapang-abusong pangongolekta at debt recovery practices ng ilang mga kompanya.

“Our office has been receiving hundreds of complaints from people who were harassed, intimidated, and shamed by the collecting agents of these online lending platforms for being unable to pay their loans on time,” ani Villanueva.

“We need to put a stop to this inhumane and unethical practice and make sure that our kababayans are truly protected,” dagdag pa ng senador.

Ayon pa sa Majority Leader, dapat ipatupad nang maayos ang mga batas para matiyak na ang mga konsyumer ay nakikipag-transaksiyon lamang sa rehistrado at awtorisasdong online lending companies para maprotektahan ang kanilang interes at kapakanan.

Nauna nang binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Certificates of Registration ng 2,084 lending at financing companies na hindi kumuha ng kanilang Certificates of Authority (CA), habang 39 naman ang kinansela ang CA dahil sa iba’t ibang mga paglabag.

Sinabi pa ni Villanueva na may ilang lending firms din ang sobra-sobra ang ipinapataw na interest rates at iba pang charges dahil sa pagkabigo ng mga borrower na magbayad ng kanilang obligasyon sa takdang oras.

Bukod pa sa may ilang kolektor din ang nagmumura at nagbibitiw ng masasakit na salita sa kanilang mga kliyente para mapuwersa silang magbayad ng kanilang utang.

Hiniling din ni Villanueva sa kinauukulang komite ng Senado na tingnan ang mga ulat na may mga online lending platform na sangkot sa iresponsableng pagkuha ng mga datos at impormasyon na labag sa ‘right to privacy and safe and secure transactions’ ng kanilang mga kliyente.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act, ang mga financial service provider ay pinagbabawalang maging mapang-abuso sa pangongolekta ng utang ng kanilang mga kliyente.

Bukod dito, nakasaad din sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines na dapat isulong ang “fair, honest and equitable relations among parties in consumer transactions.”

Samantala, nakapaloob naman sa Republic Act No. 3765 o Truth in Lending Act na dapat maging honest o tapat ang mga lender sa mga charges na kanilang ipinapataw at ipaalam sa mga borrower ang totoong cost of credit.

“Our people should be protected against deceptive, unfair, and unconscionable acts and practices, including abusive collection and debt recovery practices,” ani Villanueva.

“Debtors deserve to be treated fairly and with dignity,” pagbibigay-diin pa niya. VICKY CERVALES