(Pinag-aaralan ng DA)PAG-ANGKAT NG SIBUYAS

POSIBLENG umangkat ang Department of Agriculture (DA) ng sibuyas upang matugunan ang market demand sa gitna ng pagsipa ng presyo nito.

Ayon kay DA spokesperson Rex Estoperez, may problema ang bansa sa suplay ng pulang sibuyas, kung saan 5,000 metric tons lamang ang inaasahang maaani sa susunod na buwan.

“Maliit kasi ang ating imbentaryo sa pula. Naghihintay tayo sana ng harvest pero ang peak season pa niyan [ay] sa February,” aniya.

Nauna nang sinabi ni DA Assistant Secretary at spokesperson Kristine Evangelista na ang pulang sibuyas ay ipinagbibili ngayon sa halagang P280 hanggang P300 kada kilo.

Kumpara ito sa P250 kada kilo na naitala noong November 11, at sa P180 kada kilo noong October 25.

Ngayong papalapit na ang holiday season, sinabi ni Estoperez na kailangang magkaroon ng konsultasyon ang ahensiya sa una o ikalawang linggo ng Disyembre para matugunan ang problema.

“Ang gagawin namin siguro sa ngayon, titignan namin saan nanggagaling ito. Worst case is that mag-i-import na naman tayo para matugunan ‘yung pangangailangan especially magho-holiday na,” ani Estoperez.

“Kung kailangan nating mag-import, mag-import tayo,” dagdag pa niya.