PINAG-IISIPAN ng Department of Agriculture (DA) na maglabas ng suggested retail price (SRP) para sa asukal.
Ginawa ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista ang pahayag makaraang mapaulat na hindi bumaba ang presyo ng asukal bagama’t inaprubahan na ang conversion ng 40,000 metric tons ng asukal para sa domestic use, at 36,000 metric tons pa ang iniaplay para sa naturang conversion.
Sa latest price monitoring ng DA, hanggang March 31, 2023, ang refined sugar ay ibinebenta mula P86 hanggang P110 kada kilo habang ang washed sugar ay mula P80 hanggang P95 kada kilo. Ang brown sugar ay mabibili naman sa P80 hanggang P95 kada kilo.
“Kung kinakailangan po na magkaroon tayo ng suggested retail price, we will do that. Pero ang unang titingnan ngayon ay magkano ang bagsak ng asukal sa mga palengke para malaman natin kung magkano ang patong ng ating mga tindera,” sabi ni Evangelista.
“But pushing for an SRP will also mean that we have to make sure na merong supplier ang ating mga retailer ng murang asukal,” dagdag pa ni Evangelista.
Aniya, makikipagpulong sila sa Sugar Regulatory Administration (SRA), sugar planters, millers, traders, at retailers para sa planong pagtatakda ng SRP sa asukal.
Samantala, sinabi ng opisyal na malabo pang mapababa sa presyo noong nakaraang taon na P50 hanggang P55 kada kilo ang asukal. Ito’y dahil tumaas din, aniya, ang halaga ng produksiyon at milling sanhi ng pagmahal ng krudo.
“So ang atin pong titingnan ay paano naman po natin mabababa ng at least P85.”