(Pinag-aaralan ng DTI) TAAS-PRESYO SA 3 PRODUKTO

PINAG-AARALAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na dagdag-presyo sa tinapay, sabong panlaba, at sardinas na de lata.

“Ang tinapay kasama ‘yan — ‘yung Pinoy Tasty at Pinoy pandesal. Then, we have detergent bars, nag-request ang manufacturers, and then isang brand ng canned sardines. So far, ito pa lang ‘yung nare-receive natin na mga request,” pahayag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa isang public briefing.

Ayon kay Castelo, kung maaaprubahan, ang presyo ng naturang mga produkto ay tataas ng dalawa hanggang 10 porsiyento.

Nilinaw naman niya na ang taas-presyo ay base sa raw materials at production, at hindi sa wage hikes.

“Ang 2% natin would constitute mga P0.25 lang ‘yan. Merong P0.50, P0.75 depende don sa value ng produkto talaga kasi ‘yung percentage ng increase doon natin kino-compute. Nag-uumpisa po sa P0.25. Pinakamalaki na ‘yung aabot ng 10%, ‘yung P1.50,” aniya.

Samantala, sinabi Trade Assistant Secretary Ann Cabochan na ang price increases ay pinag-aaralan pa, at idinagdag na kakaapruba lang ng ahensiya ng bagong suggested retail prices (SRP) para sa 82 basic necessities at prime goods.

“Relatively recent ‘yung ating updated SRP list, so kung meron po tayong natatanggap na mga request ng mga manufacturers for another round of increase ay pinag-aaralan pa po ng DTI,” pahayag ni Cabochan sa CNN Philippines.

Aniya, ang pag-apruba sa dagdag-presyo ay nakadepende sa isusumite ng mga manufacturer.

“We ask them (manufacturers) for even the copies of invoices so that we are able to validate na talagang ‘yung (that the) raw materials or intermediate products that are used for the manufacture of the product have increased significantly,” aniya.

Dagdag pa ni Cabochan, ang ahensiya ay nagsasagawa ng sarili nitong pag-aaral.