(Pinakamataas magmula noong Nov. 2008)JANUARY INFLATION SUMIPA SA 8.7%

BSP-INFLATION

BUMILIS pa ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa unang buwan ng 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa datos ng PSA, ang inflation noong Enero ay nasa 8.7%, ang pinakamabilis magmula nang maitala ang 9.1% noong November 2008.

Ang 8.7% January 2023 inflation rate ay mas mataas kumpara sa 8.1% na naitala noong December 2022 at sa 3% noong January 2022.

“Ang pangunahing sanhi ng mas mataas na antas ng inflation nitong Enero 2023 kumpara noong Disyembre 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels,” sabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa sa isang press briefing.

Ayon sa PSA, ang koryente at gulay, partikular ang sibuyas, ang top contributors sa January inflation, na nag-ambag ng tig-1.1 percentage points (ppt).

“Restaurant services and house rentals also accelerated and contributed 0.7 and 0.6 ppt, respectively, while public and private transport contributed a total of 1.0 ppt,” ayon pa sa datos ng PSA.

Ang iba pang key agricultural commodities tulad ng karne at isda ay nag-ambag ng kabuuang 0.8 ppt, habang ang processed food commodities tulad ng asukal at tinapay at iba pang cereals ay nag-ambag ng kabuuang 0.7 ppt.

Nauna nang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inaasahang mananatiling mataas ang inflation sa unang buwan ng taon sa kabila ng tinatayang pagbagal mula sa 14-year high noong Disyembre dahil sa mas mataas na presyo ng utilities and commodities.

Sa pagtaya ng BSP, ang January 2023 inflation ay maitatala sa 7.5% hanggang 8.3%.