NANGANGANIB na mawalan ng trabaho ang mga nasa tourism at banking industry sa mga susunod na buwan.
Ito ang babala ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Pimentel, hindi malabong magbawas ng tauhan ang mga bangko dahil sa pagtaas ng non-performing loans matapos na suspendihin at palawigin ang pagbabayad sa utang, gayundin sa pagdami ng mga taong lumilipat na sa online transactions at hindi na ‘physically’ na nagpupunta sa mga bangko.
Inihalimbawa ng mambabatas ang merging o pagsasanib para sa streamline operations ng Bank of the Philippine Islands (BPI) at ng subsidiary nitong BPI Family Savings Bank.
Hindi rin, aniya, malayong maraming hotels na rin sa bansa ang sumunod sa yapak ng Makati Shangri-La, na pansamantalang magsasara simula sa February 1.
Bunsod nito ay pinalilikha ni Pimentel ang pamahalaan ng one-stop-shop kung saan ang mga Filipinong nawalan ng trabaho ay maaaring magtungo sa mga physical location at website na maaaring madaling makahanap ng trabaho, makapag-claim ng separation insurance, at makapaghanap ng mga pagsasanay para sa skills retooling.
Partikular na pinakikilos para sa pagbuo ng one-stop-shop ang Social Security System (SSS), Public Employment Service Office (PESO), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at local government units (LGUs). CONDE BATAC
Comments are closed.