(Pinas hataw sa SEAG gold medal haul) ATLETANG PINOY INSPIRADO

Gold Medal

HATAW at walang tigil ang pagkopo ng mga atletang Pinoy ng mga gintong medalya sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa bansa.

Ganadong-ganado ang koponan ng ­Filipinas sa paghakot ng gold medals para sa pinapangarap ng bansa na overall crown sa biennial meet.

Unang araw pa lamang ng SEA Games ay nalagpasan na ng Pinas ang 24 na gold medals na nakuha ng mga atletang Pinoy sa 2017 SEA Games sa Malaysia at patuloy pang nadagdagan ang mga gintong medalya ng bansa mula sa 14 gold medals na na­panalunan sa arnis, 10 sa dancesport, 7 sa wushu, 2 sa gymnastics at iba pang gintong medalya na nakopo sa iba pang sports events.

Sa ikatlong araw, nakapagtala na ang Filipinas ng 47 gintong medalya bukod pa sa silver at bronze medals na nasungkit sa iba’t ibang sports events.

Sa ikaaapat na araw ng aksiyon kahapon ay pumalo na sa mahigit 50 ang gold medals na nasungkit ng Filipinas.

Target ng bansa na malagpasan ang all-time high gold medal haul nito noong 2005 na umabot sa 112. Ang 2005 SEAG ay gina­nap din sa Pinas.

Matatandaang hindi na nakabawi ang Filipinas sa performance nito sa SEAG kung saan noong 2007 ay 41 gold medals lamang ang naiuwi nito, 38 noong 2009, 36 noong 2011,  tig-29 noong 2013 at 2015, at 24 gold medals lamang noong 2017.

Umaasa ang mga organizer ng SEAG at mga sports official ng bansa na muling masusungkit ng Team Philippines ang kampeonato sa SEA Games dahil sa mga bagong gawang sports facilities na Olympic standard gaya ng Sports Stadium at Aquatic Center sa New Clark City sa Tarlac.

Ayon mismo sa mga atleta, inspirado silang makipaglaban sa kani-kanilang sports events dahil sa suporta sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng  sambayanang Filipino. Ganado rin ang mga atletang Pinoy dahil dumarayo ang mga  kababayang Filipino sa iba’t ibang sports venues upang manood at magbigay suporta sa kanila.

Tinukoy rin ng mga ito ang bonggang-bonggang opening ceremony sa Philippine Arena at ang nakabibinging hiyawan at palakpakan ng mga manonood nang pumarada na sa en­tablado ang mga atletang Pinoy.

Maging ang OCA o Olympic Committee of Asia ay napabilib sa hosting ng Pinas sa SEAG kaya hinikayat ni OCA Vice President Jizhong Wei ang ­Filipinas na mag-bid para sa 2030 Asian Games.

Comments are closed.