(Pinayagan nang bumiyahe hanggang Linggo) JEEP NA WALANG QR CODE ‘DI HUHULIHIN

Jeep

PUMAYAG  ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na  makabiyahe ang mga traditional na jeepney   simula kahapon  hanggang sa Linggo, Hulyo 5 kahit wala pa silang QR Codes.

Hindi pa kasi nailalabas ng ahensiya ang QR Codes na nakapaloob sa Memorandum Circular No. 2020-026.

Nakasaad sa natu­rang MC, ang QR Code ang magpapatunay na ang naturang PUJ ay pinapayagang bumiyahe sa kanilang ruta na kabilang sa 49 na rutang binuksan ng LTFRB.

Paalala  ng ahensiya,  walang kailangang bayaran ang mga PUJ ope­rators para bumiyahe sa mga awtorisadong ruta na nakalathala sa MC 2020-026.

Wala ring ipinatutupad na taas-pasahe sa pagbiyahe ng mga traditional jeeneys.

Kahapon ay limitado  lamang ang bilang ng mga traditional  jeep na  nakabalik pasada dahil sa  kawalan ng QR Code.

Ayon kay Efren De Luna ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), napahiya lamang ang LTFRB kaya pinayagan silang bumiyahe kahit walang QR Code dahil sa umano’y pumalpak ang ahensiya.

Bukod dito ay ini­reklamo rin ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o Piston ang ilang inilatag na patakaran ng pamahalaan para sa pagbabalik-pasada ng mga tradisyonal na jeepney sa gitna ng pandemya.

Ito umano ang resulta kapag hindi alam ng mga opisyal ang tunay na kalagayan ng transport sector.

Tinuligsa ng transport sectors ang kakulangan ng paghahanda ng DOTr at LTFRB sa pagbabalik pasada ng libo-libong miyembro nila matapos ang apat na buwang quarantine res­trictions.

Ilan sa mga patakaran na ipinatutupad ay dapat kalahati lamang ng bilang ng pasahero ang maa­ring isakay at panatilihin ang physical distancing  upang hindi kumalat ang  COVID-19.

Kailangan na kumuha muna ang mga jeepney operator ng QR codes sa LTFRB website, subalit pinalawig ito hanggang sa susunod na linggo matapos na magkaroon umano ng technical problem sa kanilang website. VERLIN RUIZ

Comments are closed.