KASALUKUYANG inoobsebahan ang kalagayan ni Roider Cabrera, player ng Terrafirma sa PBA 3×3 tournament.
Si Cabrera ay isinugod sa The Medical City sa Pasig makaraang mawalan ng malay pagkatapos ng kanilang laro noong Miyerkoles.
Isama po natin sa ating mga panalangin na maka- recover agad si Cabrera upang muli siyang makapaglaro at makasama na niya ang kanyang pamilya. Get well soon.
vvv
Nagretiro si Marc Pingris sa PBA sa kampo ng Magnolia Hotshots. Pero dahil siguro hinahanap ng katawan ni Sakuragi ang paglalaro, tinanggap niya ang alok na maglaro para sa Nueva Ecija sa Maharlika Pilipinas Basketball league o MPBL Kaya pa naman niyang makipagsabayan sa mga batang player.
Wala rin naman kasing offer ang Magnolia sa kanya para maging coaching staff ng team.
vvv
Nagsalita na si Japeth Aguilar na mananatili nga siya sa Barangay Ginebra. At wala naman daw nag-o-offer sa kanya sa Japan B. League. Walang nakikipag-usap sa kanya. Nagtataka nga ang player kung saan nakuha ang balitang ito.
Kung halimbawa aniyang may magkainteres sa kanyang team sa B.League ay hindi niya ito tatanggapin. Mas gusto niyang maglaro sa PBA at sa Gin Kings.
vvv
Gumalaw na rin ang Magnolia Hotshots ni coach Chito Victorino at kinuha nila sa Terrafirma ang 6’10 na si James Laput kapalit nina Justin Melton at Kyle Pascual.
May makakatuwang na sina Ian Sanggalang at Rafy Reavis.
Siguradong panalo ang Hotshots sa ginawang palitan nila ng players.