PINABABANTAYAN sa Department of Agriculture (DA) ang presyo ng isda sa merkado.
Kasunod na rin ito ng posibleng pagtaas ng presyo ng isda bilang alternatibo sa mataas na presyo ng karne.
Ayon kay House Ways and Means Chairman Joey Salceda , inaasahan niya ang pagtaas na rin ng presyo ng isda, partikular na sa mga de lata kaya mainam, aniya, na bantayan ng DA ang price shocks sa nasabing produkto.
Hinikayat din ni Salceda ang ahensiya na palakasin ang implementasyon ng ‘Plant, Plant, Plant’ program at pinatitiyak ang tuloy-tuloy na produksiyon at pagbiyahe ng mga pagkain.
Mahalaga aniyang ma-calibrate ang ‘Plant, Plant, Plant’ program ng DA para mapunan ang mataas na demand sa pagkain at mahikayat na rin ang backyard at household food sufficiency.
Sinabi pa ng mambabatas na ang sapat at abot-kayang suplay ng pagkain ay makapagpapabilis sa pagbangon ng ekonomiya habang ang patuloy na pagtaas sa presyo ay makapagpapabagal ng economic performance ng bansa. CONDE BATAC
Comments are closed.