CAMP CRAME – TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Oscar D. Albayalde na kanilang nirerespeto ang naging damdamin ng mga mistah o classmate ni Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot sa Philippine Military Academy (PMA) Sandigan Class 1982 hinggil sa anila’y pagbabalewala o kabagalan ng imbestigasyon ng pulisya sa pananambang sa dating police general at pamilya nito, isang araw bago ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Cebu.
Sa ulat, nagpahayag ang ilang miyembro ng PMA Class 1982 na dapat imbestigahan agad ang nangyari sa pagtatangka sa buhay ng kanilang classmate na si Loot.
Mayo 13 nang paulanan ng bala si Loot kasama ang misis nito na si Vice Mayor Malou, anak na Cebu Provincial Board Member na si Shun Simora at iba pang miyembro ng pamilya Loot na noo’y kabababa lamang sa pump boat mula sa Malapascua Island at pasakay na sana ng kanilang van.
Ligtas naman ang pamilya Loot subalit sugatan ang isa sa kaniyang bodyguard at ang yaya ng kaniyang apo.
Sa naging press briefing sa Camp Crame noong Martes kaugnay sa naging resulta ng paglalatag ng seguridad sa katatapos na halalan, sinabi ni Albayalde na hindi maituturing na may relasyon sa eleksiyon ang pananambang sa pamilya Loot habang ang mga pangyayari at ang lumutang na “Tagalog speaking na suspek” ay mula aniya sa kampo ng dating police general.
Tiniyak din ni Albayalde na hindi nila binabalewala ang nangyari kay Loot kasunod ng hamon sa dating kabaro na ilahad ang nalalaman hinggil sa insidente upang maresolba ang kaso at maproteksiyunan ito.
Tatlong motibo naman ang nakikita ni Albayalde sa pagtatangka kay Loot, una ay posibleng may kaugnayan sa dating alegasyon sa kanya na sangkot sa droga, ikalawa ay may personal itong kaaway at ikatlo ay isyu ng political rivalry.
Ang mga popular na miyembro ng PMA Class 1982 ay sina dating PNP Chief Ricardo Marquez at dating CIDG Director Benjamin Magalong. EUNICE C.
Comments are closed.