POC SPECIAL ELECTION ITINAKDA SA HULYO 28

POC

MAGDARAOS ang Philippine Olympic Committee (POC) ng special election sa ­Hulyo 28 alinsunod sa direktiba ng International Olympic Committee (IOC).

Isa sa mga interesado sa posisyon na iniwan ni resigned president Ricky Vargas ay si POC Chairman at Philippine Cycling Federation pre­sident Abraham ‘Bambol’ Tolentino na nagpahayag ng kanyang kahandaan na pamunuan ang POC.

Napaulat na interesado rin si archery president Clint Aranas subalit hindi siya qualified.

Ayon sa POC ­constitution, kailangan ay nakakumpleto ng full four-year term bilang presidente ng kanyang national sports association ang isang tatakbong POC president at si Aranas ay wala pang apat na taon na nanunungkulan matapos na palitan si Lenora Brawner.

“If we follow strictly the constitution of POC, he is not qualified, plain and simple. The constitution is the backbone of POC and we have to respect and honor the sacred principle,” sabi ni Tolentino sa press conference na ginawa sa isang Chinese restaurant sa Pasay.

“We have to conduct immediate POC election to ultimately resolve the issue once and for all and give us peace of mind and focus our attention to the forthcoming Southeast Asian Games where our athletes are busy preparing,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay inatasan ng International Olympic Committee (IOC) ang POC na magsagawa ng eleksiyon para sa posisyong binakante ni Vargas.

Bukod sa pangulo, maghahalal din ang POC ng vice president, chairman at dalawang board members.

Bago ang eleksiyon ay magkakaroon ng board meeting sa Hulyo  8 at General Assembly Meeting sa Hulyo 18.

Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng POC na hindi natapos ng isang presidente ang kanyang 4-year term.

Nahalal si Vargas bilang POC president noong 2018 kung saan tinalo niya si long serving president Jose Cojuangco. CLYDE MARIANO

Comments are closed.