POLISIYA PARA IHANDA SA TRABAHO ANG SHS GRADUATES SELYADO NA

NILAGDAAN ng mga ahensiya ng pamahalaan ang dalawang mahalagang Joint Memorandum Circulars (JMCs) noong Mayo 10 upang palakasin ang mga inisyatiba sa sistema ng edukasyon ng senior high school (SHS) at ang mga kasanayan at kakayahan sa trabaho ng mga nagtapos sa SHS.

Ang JMC, na may titulong “Strengthening Senior High School Curriculum and Delivery by Embedding TVET in Senior High School Tracks towards Workforce Readiness and Employability,” ay nilagdaan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHED).

Isasama sa lahat ng SHS track ang technical and vocational education and training (TVET) upang maiayon ang kaalaman ng mga nagtapos sa SHS sa mga industriyang may kaugnayan sa kanilang kakayahan at itaas ang kanilang kahandaan para sa trabaho.

Isa pang JMC na nilagdaan ng DepEd at TESDA, na may titulong “Ensuring Quality-Assured Assessment for Certification of Senior High School Technical-Vocational Livelihood (TVL) Track,” ang titiyak na ang mga nagtapos sa SHS TVL track ay sasailalim sa mandatory skills assessment para higit silang ihanda sa trabaho.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma na ang pagpapabuti ng employability ng mga nagtapos sa SHS ay isang istratehiya sa ilalim ng Philippine Labor and Employment Plan (PLEP) 2023-2028 at sa layunin ng Philippine Development Plan (PDP) na tugunan ang “jobs and skills mismatch” at pagpapalakas ng kakayahang kumita ng mga Pilipino.

 “Ang mga sirkular na ito ang dokumentong patunay ng ating misyon na palakasin ang pagiging produktibo, wasto at tamang pasuweldo, malayang pinili, matatag na trabaho at oportunidad sa empleyo,” aniya, kasabay ng pagbanggit na ang mga layunin ng JMC ay naaayon sa misyon ng DOLE para sa lahat ng manggagawang Pilipino upang makamit ang masagana, makabuluhan, at marangal na trabaho.

Ang paglalagda ay sinaksihan ni Senator Sherwin T. Gatchalian, tagapangulo ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.  Kasama ni Kalihim Laguesma sina Employment and Human Resource Development Cluster Undersecretary Carmela I. Torres at Assistant Secretary Paul Vincent W. Añover, at Bureau of Local Employment Director Patrick P. Patriwirawan, Jr.