MAAARING umabot sa $37 billion ang remittances mula sa overseas Filipino workers (OFWs) ngayong 2023, ayon sa isang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Paliwanag ng BSP, ang mga OFW ay karaniwang nagpapadala ng mas maraming pera sa bansa tuwing holiday season at “ber months.” Nagkakaroon din ng pagtaas tuwing Hulyo, bago ang simula ng school season.
“Last year, for the full year of 2022, we received $36.1 billion in remittances. This year, we project as of June that remittances will grow by about 3%, that will be more than 3.13%,” pahayag ni Redentor Paolo Alegre, senior director ng Department of Economic Statistics sa BSP, sa CNN Philippines.
“As things are picking up now, we believe remittances may even hit $37 billion, on a more positive note,” dagdag pa niya. Ang remittances noong 2022 ay isang all-time high at bumubuo sa 8.9 percent at 8.4 percent ng Gross Domestic Product (GDP) at Gross National Income (GNI) ng bansa, ayon sa pagkakasunod. Mas mataas ito ng 3.6% increase kumpara sa $34.8 billion na naitala noong 2021.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong April hanggang September 2022, lumabas na mula sa 1.96 million OFWs, 41.7% ang nagpadala ng mula ₱40,000 hanggang ₱100,000, habang 20.7% ang nagpadala ng mahigit sa ₱100,000. Ang average remittance na ipinadala ng isang OFW sa naturang panahon ay nasa ₱111,000. Gayunman ay kailangang magbayad ng OFWs ng 5% transaction fee sa pagpapadala ng pera sa bansa. Sinabi ni BSP Gov. Eli Remolona na pinag-aaralan ng central bank na unti-unti itong ibaba sa 1%.
LIZA SORIANO