(Posibleng smuggled – DA)PUBLIKO BINALAAN SA PAGBILI NG SIBUYAS ONLINE

BINALAAN ng Department of Agriculture (DA) ang publiko laban sa pagbili ng mga sibuyas mula sa online platforms dahil maaaring ilegal na nakapasok ang mga ito sa bansa.

Ayon sa DA, ang mga puting sibuyas na ibinebenta online ay posibleng ipinuslit sa bansa dahil hindi pa nag-iisyu ang ahensiya ng import permits para matugunan ang kasalukuyang shortage.

“Lahat ng pumasok na ‘yan ay mukhang illegal,” pahayag ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.

Ang mga sibuyas na nabibili online ay nagkakahalaga ng P1,650 para sa nine-kilogram sack o P180 kada kilo, ngunit hindi malinaw ang pinagmulan ng mga produkto.

Babala ng DA, ang anumang smuggled products na nakapasok sa bansa ay hindi narebyu at maaaring hindi ligtas kainin.

Samantala, titiyakin muna ng DA na ligtas ang mga nakumpiskang puting sibuyas bago ibenta ng mas mura sa Kadiwa stalls.

Binigyang-diin ito ni Estoperez sa gitna ng plano nilang ibenta ng mas mura ang puting sibuyas na nakumpiska mula sa serye ng raid sa mga nakalipas na linggo.

Ang nasa halos P4-M halaga ng smuggled na puting sibuyas ay nasa warehouse ng Bureau of Plant Industry (BPI) para sa kaukulang inventory.

Una nang inihayag ng BPI na walang phytosanitary permit ang nasabing mga sibuyas kaya posibleng hindi ligtas kainin ang mga ito dahil maaaring may kemikal ang mga ito.