NOONG 2016, pumasok si Larry Joe B. Lagrio bilang Instructor sa Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT), Isabela Province, sa kagustuhang maibahagi ang kanyang kaalaman at kasanayan sa massage therapy. Dahil sa sipag at dedikasyon, agad siyang na-promote bilang Instructor I sa sumunod na taon. Isa siya sa mga hinirang na TESDA Idol ngayong 2020.
Ani Sir LJ, mapalad siyang nakapag-aral at nakapagsanay kasama ang mahusay niyang guro sa Massage Therapy National Certificate (NC) II, na siyang nagbigay sa kanya ng inspirasyon sa pagtahak ng landas bilang isang massage therapy instructor.
Dagdag pa niya, “Ang pagkakaroon ng maganda at positibong impluwensiya sa buhay ng mga tao sa aking komunidad ay lubhang mahalaga para sa akin. Ang aking pagtulong sa aking pamayanan ay magsisimula sa loob ng silid aralan.”
Maliban sa sertipikasyon sa Massage Therapy NC II, siya rin ay mayroong Hilot (Wellness Massage) NC II, Caregiving NC II, Beauty Care Services (Nail Care) NC II, Driving NC II, Food Processing NC II, at Bread and Pastry NC II.
Mayroon din siyang sertipikasyon sa Trainers Methodology Level I at isa rin siya sa mga tagapagsanay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na mayroong National TVET Trainer Certificate (NTTC) Level I for Massage Therapy NC II, NTTC Level I for Hilot (Wellness Massage) NC II, at NTTC Level I for Caregiving NC II.
Isa rin siyang Accredited Competency Assessor para sa mga kursong Massage Therapy NC II at Hilot (Wellness Massage) NC II.
Alam ni Sir LJ ang responsibilidad ng isang guro, kaya naman siya ay nagsusumikap upang matuto pa ng mga bagong kasanayan at kaalaman para mas maging mahusay pa sa kanyang trabaho at mas marami pang maibahagi sa kapwa.
Mensahe ni Sir LJ para sa mga kababayan nating nais mapabuti pa ang estado ng buhay: “Hinihikayat ko ang lahat ng nais kumuha ng kurso sa TESDA na magpatala na sa inyong pinakamalapit na TESDA institutions o kaya naman sa iba pang training centers. Tiyak na magagamit ninyo ang inyong kasanayan at kaalaman kahit matapos na ang kinakaharap nating pandemya. Maraming inaalok ang TESDA na scholarship programs at tiyak na makakatulong ito sa inyong mga pangangailangan.”
Comments are closed.