POULTRY IMPORT BAN SA CZECH REPUBLIC INALIS NA

INALIS na ng Pilipinas ang ban sa pag-aangkat ng mga ibon at bird by-products mula Czech Republic.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pag-aalis ng import ban kasunod ng deklarasyon ng European country na naresolba na ang avian influenza outbreak.

Ang DA ay nagpalabas ng temporary ban sa pag-angkat ng wild at domestic birds mula Czech Republic, kabilang ang poultry meat, eggs, day-old chicks, at semen noong nakaraang Marso dahil sa outbreak ng highly pathogenic avian influenza o bird flu.

Tinukoy ang report ng Czech Republic sa  World Organization for Animal Health, sinabi ng DA na ang lahat ng bird flu infections ay naresolba na sa  European nation at wala nang karagdagang outbreak na naiulat magmula noong  May 8.

“With all the technical information and documents submitted by their veterinary authorities, the DA is lifting the suspension imposed on the Czech Republic thus any trade from this country may commence again,” sabi ni Tiu Laurel sa kanyang Memorandum Order No. 30.