POWER SITUATION SA LUZON BALIK-NORMAL SA SETYEMBRE  – NGCP

NGCP-2

SA HARAP ng patuloy na pag-iisyu ng yellow at red alerts sa Luzon power grid ngayong summer dahil sa pagnipis ng reserves, sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na umaasa itong babalik sa normal ang sitwasyon sa Setyembre kapag nag-operate na ang hydroelectric power plants.

“Projection-wise, September,” wika ni NGCP division head for power network planning Fidel Dagsaan Jr. sa press briefing sa Taguig City kahapon.

Ginawa ng NGCP ang pagtaya sa pag-asang darating ang rainy season sa Hunyo o Hulyo, kung saan magiging operational ang ilang hydroelectric power plants.

“Maging operational ito around August or September, so doon magpapasok naman,” ani Dagsaan.

Ang NGCP ay nag-iisyu ng yellow at red alerts magmula pa noong nakaraang buwan sa pagtaas ng demand dahil sa mainit na panahon na dala ng summer season at ng El Niño phenomenon.

Ang karaniwang pagtaas sa power demand ay pinalubha ng unplanned o forced outages ng ilang power plants, na naging sanhi ng pagnipis ng reserves.

Sa kanyang panig, sinabi ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na sa kabila ng pagtaya na sa Setyembre pa babalik sa normal ang power situation, ang pagtataas ng yellow at red alerts sa Hunyo, Hulyo at Agosto ay hindi magiging kasing dalas noong Abril at ngayong buwan.

Gayundin, sinabi ni Fuentebella na ang tinatayang highest peak demand para sa Luzon grid ay sa darating na linggo, o sa Mayo 20-24.

“Projection na pinakamataas na demand for summer is 11,400 megawatts. Hindi pa siya naabot pero nakikita namin next, May 20 to 24 ang pinakatodong demand sa Luzon,” ani Fuentebella.

Aniya, ang suplay sa darating na linggo ay sapat para sa inaasahang peak demand.

Comments are closed.