SUMIRIT ang presyo ng asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ayon sa report, ang white sugar ay tumaas sa P70 kada kilo mula sa P60, habang ang brown sugar ay mabibili ngayon sa P57 kada kilo mula sa dating P50.
Tumaas naman ng P7 ang kada kilo ng washed sugar na mula P48 kada kilo ay naging P55.
Ayon kay Sugar Regulatory Board Administrator Herminigildo Serafica, walang shortage sa supply ng asukal kaya walang dahilan para tumaas ang presyo nito.
Aniya, nagkaroon lamang ng kaunting pagbagal sa pag-refine ng asukal makaraang masira ang ilang warehouse at dalawang refineries sa Negros dahil sa bagyong Odette pero nakakahabol naman sa produksiyon ang bansa.
May hinala si Serafica ay may mga trader na nagsasamantala at idinadahilan ang pananalanta ng bagyo.
Maglalabas, aniya, siya ng show-cause order sa mga tindahang nagbebenta ng asukal na mas mataas sa itinakdang SRP na P50 kada kilo para sa refined at P45 kada kilo sa brown.