PRESYO NG BILIHIN ‘DI MAGTATAAS SA PEBRERO—DTI

DTI-8

SINIGURO ng Department of  Trade and Industry na walang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin pero hanggang Pebrero lamang.

Ayon sa report, tinanggihan ng DTI ang hiling ng manufacturers na magtaas sa presyo ng gatas, sabong panlaba, de lata, at mga pangsahog o panimpla tulad ng suka, toyo, patis at iba pa.

Humiling ang manufacturers ng pagtaas ng 50 sentimo hanggang P2.

“Raw materials din talaga e, kasi imported ga­mit nila, especially for the soap. Pati ‘yung canned meat, imported din. ‘Di na raw talaga nila mapigilan ‘yung pagtaas. Mayroong mga justified request, mayroong hindi justified ang request, so pinag-aaralan nating mabuti,” paliwanag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.

“The consumers can expect na walang movement muna tayo from now until siguro matapos ang January or hanggang February, para hindi rin sumabay sa increases ng fuel, koryente, para makapahinga sila at least sa pagkain, food products,” dagdag niya.

Sinabi ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association president Steven Cua na ang demand para sa mga bilihin ay karaniwang mababa tuwing Enero.

“Belt-tightening this January. Psychological, nagho-hold on to their budget sa mga pami-pamilya,” lahad niya.

HIRIT NA TAAS-PRESYO SA ILANG BILIHIN PAG-AARALAN NG DTI

Samantala, masusing pag-aaralan ng DTI ang hirit na taas-presyo ng ilang bilihin bunsod ng pagmahal ng presyo ng krudo sa World Market.

Kabilang sa mga nagbabalak na magtaas ng pres­yo ay mga manufacturer ng gatas, sabong panlaba, de lata at iba pa.

Nauna nang hirit ng manufacturers sa DTI ang 50-centavos hanggang dalawang piso na dagdag pres­yo.

Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, paliwanag ng mga manufacturer, imported ang mga raw materials kaya hindi na mapigilan ang pagtaas ng presyo.

Babala ng supermarket owners, posible talagang tumaas ang bilihin kapag nagtuloy-tuloy ang pagmahal ng petrolyo.