PRESYO NG MANOK SUMIPA

TUMAAS ang presyo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila dahil sa kakulangan ng supply.

Napag-alaman na sa Commonwealth Market sa Quezon City ay nasa P180 ang presyo ng kada kilo ng drumstick, thigh at wings ng manok.

Ayon sa mga tindera sa nasabing pamilihan, noong Abril ay nakakapagbenta sila ng whole chicken sa presyong P110 hanggang P120.

Ang presyo ng manok sa Mega Q Mart sa Quezon City ay pareho sa Commonwealth Market.

Sa monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA), may ilang pamilihan na ang presyo ng whole chicken ay nasa P175.

Sinabi ng United Broiler Raisers’ Association (UBRA), isang grupo ng poultry producers, na bumaba ang supply ng manok mula sa local farmers dahil marami sa kanila ang hindi muna nagkakatay dahil nalulugi sila.

Ani UBRA president Gregorio San Diego, ito ay dahil sa pagdami ng inangkat na manok.

“Ang dami nang imported. Nananawagan kami sa pamahalaan na limitahan ang pag-angkat ng manok dahil marami nang local farmers ang nalulugi at nawawalan ng kabuhayan,” dagdag pa niya.

Comments are closed.