(Presyo tumataas dahil sa middlemen)WALANG SHORTAGE NG ASUKAL

Sugar

Ayon kay UNIFED President Manuel Lamata, nagsimula na ang milling season noong nakaraang linggo kaya walang problema sa supply.

Gayunman, sinabi niya na tumataas ang presyo nito dahil sa presensiya ng mga middlemen.

Aniya, ibinebenta ng mga magsasaka at planters ang raw brown sugar sa P45/kilo, ngunit ang retail price nito ay umaabot sa P100/kilo.

“Ang daming mga middlemen. From us, binibili ng trader, pinapasa sa refiner, papatong na naman ang shippers, tapos rebagger. Patong-patong iyon hanggang papunta sa retail. Ang daming kumakana. Kung baga, sa eskinita, ang daming ambush kaya ang presyo tumataas,” pahayag ni Lamata sa CNN Philippines.

Samantala, pinasalamatan ng grupo si Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa pagpigil sa plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na umangkat ng 300,000 metric tons ng raw at refined sugar.

Ang plano ng SRA ay agad ibinasura ni Marcos kung saan ipinalalagay ng Palasyo na ilegal ang Sugar Order No. 4, at masusi itong pinaiimbestigahan, gayundin ang mismong ahensiya.