PRICE CAP SA SWAB TEST (EO nilagdaan na ni Duterte)

DUTERTE SIGN

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order na magtatakda ng price cap para sa RT-PCR o swab testing at test kits sa bansa.

Base sa Executive Order No. 118 na may petsang Nobyembre 4, 2020 inaatasan ang Department of Health sa pakikipag-tulungan sa Department of Trade and Industry na tiyakin ang accesibility at affordability ng PCR testing at test kits.

Ang DOH at DTI ay naatasan ding bumalangkas at pagkaraa’y magpatupad ng pagtatakda ng price range sa mga test kit na ginagamit ng mga ospital, laboratoryo at iba pang health facilities sa bansa.

Gayunman, hindi naman tinukoy ng EO kung magkano ang price cap sa test kits.

Nakasaad sa EO na maaaring bawian ng lisensya o accreditation ang mga ospital, laboratoryo at iba pang health facilities na hindi susunod sa itatakdang price range.

Pinatitiyak din sa kautusan na maipaalam sa publiko ang mga gastusing may kinalaman sa medical services at procedures kaugnay sa COVID-19 tests.

Matatandaang una nang umangal ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa napakamahal na bayad sa swab test matapos tumigil ang Philippine Red Cross dahil sa kabiguang mabayaran ang halos 1-bilyong pisong pagkakautang ng Philhealth. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.