PRICE CUT SA ASUKAL

SUGAR

NAIS ng economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang licensing powers ng Sugar Regulatory Administration (SRA), at ang gastos na may kinalaman sa pag-angkat ng asukal, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia na ang  liberalization ng sugar industry ay makatutulong upang mapababa ang halaga ng asukal sa bansa, katulad sa ginagawa ng pamahalaan sa bigas sa pamamagitan ng tariffication.

“The next to be liberalized is sugar,” wika ni Pernia.

“(Through liberalization) the users will import directly, they will avoid the importation cost.”

Ang SRA ay binuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 18 ni dating Pangulong Corazon Aquino.  Inaatasan ito na mag-isyu ng permits at licenses, gayundin ang mangolekta ng fees at levies sa pagproseso at pag-manufacture ng asukal at ng by-products nito.

Ang EO 18 ay pinalakas ng Republic Act 10659 o ang Sugarcane Industry Development Act (SIDA) of 2015. Sa ilalim ng Section 9, ang SRA ay may mandato na iklasipika ang imported sugar upang matugunan ang domestic sugar requirements.

Sa ilalim ng SIDA, aatasan din ng Bureau of Customs (BOC) ang mga  importer o consignee na kumuha sa SRA ng classification ng imported sugar bago ang pagpapalabas nito.

Ipinaliwanag ni NEDA Undersecretary for Planning and Policy Rosemarie G. Edillon na ang mga pro­sesong ito ay nagpapamahal sa asukal.

“Importers are charged around P200 per 50 kilogram bag of sugar that they need to import to meet their requirements,” aniya.

Ayon pa kay Edillon, kahit may ipinatupad nang mga pagbabago ang SRA upang mabawasan ang red tape at maipalabas ang mga kinakailangang dokumento makalipas ang isang araw, ang certificate of reclassification rights ay nananatiling mahal.

“(This means) the intermediation cost is high. It’s expensive to get the right to import. The cost is expensive,” anang opisyal.

Kasalukuyan na aniyang hinihingi ng economic development cluster ang tulong ni  Dr. Ramon Clarete, isang economist mula sa University of the Philippines School of Economics na dalubhasa sa international trade, para magsagawa ng pag-aaral sa epekto at pinakamabisang paraan upang i-liberalize ang industriya.

Aminado naman si Pernia na mas magiging mahirap na i-liberalize ang  sugar industry kumpara sa rice sector dahil mara­ming magla-lobby sa buong bansa.

Ang mga sugar producer ay matatagpuan sa Luzon tulad ng Cagayan Valley, Visayas gaya ng Negros Occidental, at Mindanao sa lalawigan ng Bukidnon.

Sa kabila ng inaasahang pagtutol, sinabi ni Pernia na target ng economic team na maisagawa ang mga amyendang ito sa ilalim ng 18th Congress na magko-convene sa Hulyo 2019. Ang mga miyembro ng Kongreso ay ihahalal sa May polls.  CAI U. ORDINARIO

Comments are closed.