PRICE HIKE SA ITLOG, MANOK HINDI MAKATUWIRAN – SOLON

ITLOG-MANOK

NAPIKON at pumalag ang isang senadora sa napaulat na biglang pagtaas ng  presyo ng itlog at manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila nitong nakaraang linggo.

“Walang dahilan para magtaas ng presyo sa itlog kasi ultimong Philippine Egg Board sa kanilang suggested retail price ay hindi dapat tumaas sa P5 ang kada piraso ng itlog dahil sapat ang suplay nito,” wika ni Sen. Imee Marcos.

Ayon sa senadora, lagpas sa P6 ang presyo ng bawat piraso ng maliit na itlog sa ilang palengke sa Metro Manila dahil umabot sa P180  o higit pa ang bentahan ng bawat tray na naglalaman ng 30 piraso at dapat ay nasa P150 lamang ang halaga nito.

Aniya, ibig sabihin nito ay may 20 porsiyento o higit pa ang naging pagtaas mula sa P5 na SRP na itinakda ng gobyerno.

Ikinagulat din ni Marcos ang muling pagtaas ng presyo ng manok sa mga pamilihan matapos na umabot ito sa P190 hanggang P200 kada kilo.

Ayon sa senadora, nasa P123 hanggang P128 ang wholesale price noong nakaraang buwan.

“Tumaas nga ang halaga ng chicken feed at medyo bumaba ang chicken production sa ­ilang lugar sa Luzon. Pero sinabi na ng Department of Agriculture na okay na at bumabalik na ang consumption ng baboy, kaya ‘di dapat ganoon kataas ang presyo ng manok,” paliwanag pa ni Marcos.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na busisiing mabuti at huwag lubayan ang pagmo-monitor sa presyuhan ng itlog at manok na pina­ngangambahang itataas pa ng mga negosyante habang papalapit ang Pasko. VICKY CERVALES

Comments are closed.