NANGANGAMBA ang pinakamalaking organisasyon ng mga pribadong institusyong pang-edukasyon kaugnay sa pagbibigay ng “full ownership” sa edukasyon para sa mga dayuhan.
Sa pagdinig ng Senado, binigyang-diin ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) ang pangangailangang pangalagaan ang kultura at interes ng mga Pilipino sa gitna ng mga talakayan sa pag-amyenda sa 1987 Constitution, partikular ang probisyon na may kinalaman sa pagmamay-ari ng mga institusyong pang-edukasyon.
“We respectfully urge lawmakers to proceed with caution regarding introducing amendments to the pertinent provisions because this will have a long-standing complicated repercussions or implications to the Filipino generations to come,” sabi ni COCOPEA president Fr. Albert Delvo sa Senate subcommittee na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara.
Ang subcommittee ay inatasang mag-deliberate sa Resolution of Both Houses No. 6, na naglalayong amyendahan ang tatlong partikular na probisyon sa ekonomiya sa 1987 Constitution na may kaugnayan sa mga serbisyong pampubliko, institusyong pang-edukasyon, at advertising.
Binigyang-diin ni Delvo ang pag-aalala ng mga miyembro ng COCOPEA tungkol sa mga potensyal na panganib ng pagpapahintulot ng full foreign ownership sa mga educational institutions.
“We are cautious because if we allow foreigners to control, own, and administer the institutions, it may be prejudicial to our Filipino culture, values, morals, spiritual matters. Baka they may be in danger,” babala ni Delvo.
Sa kabila ng mga pangamba na ito, sinabi ni Delvo na ang ilang mga institusyon na kasalukuyang tumatakbo sa ilalim ng 60-40 na may dayuhang pagmamay-ari ay maayos ang setup.
Ang COCOPEA ay nagsisilbing kolektibong boses ng pribadong sektor ng edukasyon sa Pilipinas. Pinangungunahan nito ang pagbuo ng patakarang pampubliko para sa limang educational associations na kumakatawan sa 2,500 member-schools, colleges, universities, at tech-voc institutions.
Ipinunto naman ni Dr. Karol Mark Yee, Executive Director ng Second Congressional Commission on Education of the Philippines (EDCOM 2), na ang Pilipinas ay isa sa mga mahigpit na bansa kaugnay sa foreign ownership sa loob ng ASEAN na ang regulasyon ay sumusunod sa Konstitusyon.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Yee na ang pagpayag sa dayuhang pagmamay-ari ay “unang hakbang lamang” at nangangailangan ng karagdagang batas upang epektibong maipatupad.
Binigyang-diin din ni Yee ang kahalagahan ng regulatory capacity-building sa loob ng mga ahensiya ng gobyerno, partikular ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
VICKY CERVALES