PRO SPORTS BUHAY  SA PANDEMYA – MITRA

TULOY ang ikot ng mundo sa professional sports sa kabila ng kinakaharap na suliraning pangkalusugan at kabuhayan ng bansa dahil sa pandemya.

Isang boses para sa layuning makapagpatuloy – sa sitwasyong pasok sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force – ang mga organizer, promoter, team owner, sponsor at maging ang mga atleta para mapanatiling buhay at makapagbigay ng tuwa at inspirasyon sa sambayanan.

Ipinahayag ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang kasiyahan matapos personal na marinig hindi lamang ang mga hinaing bagkus ang pagpupursige ng professional sports stakeholders na makapagpatuloy sa kabila ng kinakaharap na pandemya sa isinagawang virtual 3rd Professional Sports Summit nitong Miyerkoles.

“Despite the current situation, nakakatuwa pong malaman na hindi sumusuko ang mga stakeholder ng professional sports. Kahit hinay-hinay at sa mahigpit na pagpapatupad ng ‘safety and health’ protocol ay handa silang makipaglaban sa pagnanais na mabigyan ng kabuhayan ang ating mga atleta at makapagbigay ng kasiyahan sa ating mga kababayan,” pahayag ni Mitra.

Sa kabila ng desisyon ng IATF na ipagbawal ang panonood ng live, isinakatuparan ng Philippine Basketball Association (PBA), Vismin Philippine Super Cup, at Premier Volleyball League (PVL) ang kani-kanilang bubble set-up para maidaos ang liga na inaabangan ng Pinoy sports fans.

Humirit din sa online platform ang chess, gayundin ang eSports na, ayon kay Mitra, ay isa sa pinakamabilis at progresibong organisasyon sa antas ng pagsasagawa ng torneo at paglalaan ng malaking premyo.

“I think isa sa legacy namin sa GAB ay ang professionalizing eSports. Malaki ang naitutulong nila sa Pinoy gamers. ‘Yung chess naman, active na active kahit walang face-to-face,” sambit ni Mitra.

Ipinahayag naman ng mga boxing promoter at manager na patuloy nilang isasagawa ang promosyon sa sports sa mga lugar na may mababang quarantine level at nagpapatupad ng mas maluwag na mga panuntunan.

“We’re obliged to help and process the documents of our Filipino fighters so they can go out and fight abroad. Mas maluluwag na talaga ‘yung mga protocol sa abroad kaya kung may pagkakataon ang ating mga boxers na lumaban, aasikasuhin namin agad ‘yan,” pahayag ni Mitra.

Sinabi ni Mitra na ang pagsasagawa ng Sports Summit – ikatlo sa kanyang termino mula nang mailagay ng Pangulong Duterte sa GAB – ay paraan din upang mabigyan ng gabay ang iba pang league organizers na tularan ang ginawang bubble tournament ng nabanggit na mga liga,

“Mahabang panahon na ring umaaray ang ating mga atleta dahil sa pandemic. Kaya bawat pagkakataon na may malaruan sila para kumita, susuporta kami sa GAB,” pahayag ni Mitra, kasabay ang paalala na umiwas sa ilegal na pamamaraan tulad ng game-fixing bilang proteksiyon na rin sa kanilang hanapbuhay.

Kabilang si World Boxing Council (WBC) president Mauricio Sulaiman sa nagpahayag ng suporta sa liderato ni Mitra sa GAB, habang nagkakaisa sina Senators Joel Villanueva, Sonny Angara, Will Gatchalian, Bong Go at Pia Cayetano, gayundin si PBA Partylist Rep. Jericho Nograles na ipagkaloob ang karampatang dagdag na pondo sa GAB para higit pang mapaglingkuran ang atletang Pinoy at professional sports.  EDWIN ROLLON

Comments are closed.