PRODUKSIYON NG ASUKAL BABABA

MAAARING bumaba ang raw sugar output sa current crop year (CY) 2017-2018 ng 16 percent sa seven-year low 2.1 million metric tons (MMT) dahil sa kawalan ng sugarcane cutters at mababang ani, ayon sa Philippine Sugar Millers Association (PSMA).

Sinabi ni PSMA President Francisco D. Varua na ang pinakabagong pagtaya ng grupo ay base sa pinakahuling survey na kanilang isinagawa sa mga sugar miller at iba pang industry stakeholders upang tasahan ang total sugar output sa  current CY, na magtatapos sa Agosto 31.

“We conducted our own survey and there has been really lower [sugar] production because of unfavorable weather conditions, especially in Mindanao where there has been a lot of rainfall,” wika ni Varua.

“Another reason is that there is a slow harvesting. [The sugar millers] are finding a hard time hiring sugarcane cutters, because they are shifting to construction jobs which gives higher wage,” dagdag ni Varua.

Ang pinakabagong output estimate ng PSMA ay mas mababa ng halos 8.7 percent sa naunang pagtaya ng grupo noong Pebrero na 2.3 MMT.

Ang 2.1-MMT production forecast ng PSMA ay mas mababa rin ng 170,000 sa 2.3 MMT estimated raw sugar output ng Sugar Regulatory Administration para sa CY 2017-2018.

Gayunman, sa kabila ng inaasahang pagbaba sa output, sinabi ni Varua na may sapat na raw sugar stocks ang bansa para matugunan ang domestic demand.

Sa pinakahuling datos, hanggang nitong Mayo 13, ang total raw sugar output ng bansa ay umabot sa 1.97 MMT, mas mababa ng 11.67 percent sa 2.073 MMT na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.

Malaking bahagi ng total output o 72.38 percent ay naprodyus ng Visayas-based sugar millers.

Ang raw sugar production sa Visayas ay nasa 1.426 MMT, mas mababa ng 8.18 percent sa 1.553 MMT na naiposte noong nakalipas na taon.

Samantala, ang raw sugar output sa Mindanao ay bumaba ng 24.22 percent sa 346,107 MT mula sa 456,709 MT noong nakaraang taon. Ang Min­danao region ay bumubuo sa 17.57 percent ng total raw sugar output sa reference period.

Sa datos ng SRA, hanggang nitong Mayo 6, ang total sugarcane na nagiling ay umabot sa 22.017 MMT, mas mababa ng 7.89 percent sa 23.903 MMT na naitala sa kaparehong pa­nahon noong 2017.   JASPER ARCALAS