NAIS na palawakin ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang Malasakit Center program upang ito ay magamit ng maraming Filipino.
Ang Malasakit Center ay ang one-stop shop program ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang layunin ay pabilisin ang paghahatid ng serbisyo medikal at mabigyan ng libreng gamot ang mga mahihirap na pasyente.
Sa kanyang State of the Nation Address nitong Hulyo, sinabi ng Pangulo na si Go ang instrumento sa pagpapatupad ng Malasakit Centers.
Sa ilalim ng programa, aasistehan ang mga pasyente upang makakuha ng serbisyo at tulong pinansiyal na kaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Games Corporation (PAGCOR), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kapag pinagsama-sama, ang mga ayudang ito ay makababawas sa medical bill ng pasyente, kasama na ang mga gamot, sa mas mababang halaga o minsan ay zero na o wala nang halos babayaran sa ospital.
Sa kasalukuyan ay mayroong limang Malasakit Centers sa bansa, tatlo sa Visayas: ang Vicente Sotto Memorial Center sa Cebu City, Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, at ang Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City, isa sa Davao City at isa pa sa Philippine General Hospital sa Manila.
Sa isang panayam kay Go sa pagbisita nito sa mga nasunugan sa Mandaluyong City noong hatinggabi ng Agosto 30, sinabi ni Go ang plano ng gobyerno na magpatayo ng dagdag na Centers upang mapakinabangan ng maraming mamamayan.
“May programa iyong gobyerno. Ito po ‘yung gusto ko palawakin o palakasin ‘yung Malasakit Center, kasi alam ko napakaraming nangangailangan ng medisina at saka libreng gamot,” dagdag ni Go.
“Let’s say PCSO may limit ‘yung (subsidy), hanggang dulo, ‘yun na iyong Malasakit doon na kami talagang tutulong hanggang sa kaya, kung kayang maging zero bill. After PhilHealth, after DSWD, after PCSO, then sa dulo kung magkano iyong maiwan na bill iyon ang sasagutin,” dagdag pa ni Go.
Comments are closed.