PROGRAMANG LIGHT UP PILIPINAS NG ONE MERALCO FOUNDATION, NAGHAHATID NG LIWANAG AT PAG-ASA

KILALA ang Pilipinas sa natatangi ­nitong mala-paraisong ganda kaya ­naman ­kinilala ito bilang Pearl of the ­Orient o Perlas ng Silanganan. Dahil sa angking ­magagandang tanawin nito, talagang dinadayo rin ang bansa ng maraming turista.

Sa kabila nito, mara­ming pa ring lugar sa bansa ang hindi pa naaabot ng mga pangunahing serbisyo gaya ng kuryente.

Napakahalaga ng pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar. Bukod sa kailangan ito sa pagkamit ng pangkalahatang pag-unlad ng bansa, nagsisilbi rin itong simbolo ng pag-asa at pagkakataong makaranas ng mas mataas na kalidad ng pamumuhay para sa mga naninirahan sa mga komunidad na ito.

Kaisa ng pamahala­an sa paghangad ng total electrification para sa Pilipinas, ang sangay ng Manila Electric Company (Meralco) na nanga­ngasiwa sa mga progra­mang pang-komunidad nito, ang One Meralco Foundation (OMF), ay aktibo sa paghahatid ng liwanag sa ilalim ng inisyatibang tinatawag na Light Up Pilipinas, kung saan namamahagi ng mga de kalidad na solar lamp ang OMF sa mga komunidad na hindi abot ng serbisyo ng kuryente.

Ang Light Up Pilipinas ay programa ng OMF na naglalayong makatulong sa mga Pilipinong naninirahan sa mga coastal na barangay at komunidad ng mga magsasaka at mangni­ngisda na nasa libilib na lugar. Sa pamamagitan ng mga solar lamp na ipinamamahagi ng OMF, mas napapataas ang antas ng pagiging produktibo ng mga miyembro ng komunidad dahil nagagamit nila ito sa kanilang kabuhayan.

 

Pagsisimula ng programa bilang Light Up El Nido

Nasa 600 na pamil­ya mula sa 12 na komunidad sa mga barangay ng Bucana, Bebeladan at Teneguiban ang unang benepisyaryo ng Light Up El Nido. Nabigyan sila ng Namene SM100 solar light, isang all-in-one lamp na maaaring magamit sa iba’t ibang paraan. Kaya nitong makapaghatid ng liwanag sa loob ng 16 oras kung puno ang charge ng baterya nito.

Dahil pangingisda at pagsasaka ang panguna­hing kabuhayan ng mga residente sa lugar, talagang naging malaking tulong ang Namene SM100 dahil mayroon din itong strap kaya maaari ito gamitin bilang headlamp. Mayroon din itong bakal na stand na maaaring gamitin ng mga kabataan sa kanilang pag-aaral sa gabi.

Ang proyektong Light Up El Nido ay isang halimbawa kung paano maaaring makibahagi ang mga miyembro ng pribadong sektor sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino sa mga liblib at malalayong lugar sa bansa. Kaya’t hindi kataka-­takang ipinatupad din ang naturang proyekto sa ibang bahagi ng Pilipinas na nangangailangan din ng serbisyo ng kuryente.

Gamit ang inisyal na pondo na nagkakahalagang P1.8 milyon mula sa mga donasyon ng mga customer at ng mga empleyado ng Meralco, uma­bot sa 4,102 solar lamp ang naipamahagi ng OMF sa mga malalayong komunidad sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas noong 2022.

 

Dalawang taong pagbibigay ng liwanag

Batid na katumbas ng pagtulong sa mga indigent na komunidad ang pagkamit sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa, nagpapatuloy ang OMF sa paghahatid ng liwanag at pag-asa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mula nang nagsimula ang programa noong Oktubre 2021, umabot na sa higit sa 6,000 na pamilya ang natulungan ng Light Up Pilipinas.

Sa tulong ng dona­syon mula sa Meralco Fund for Charity, Inc. (MEFCI), isang institusyon na binubuo ng mga empleyado ng Meralco, umabot na sa iba’t ibang panig ng bansa sa labas ng prangkisa ng Meralco ang tulong na naipamahagi ng programa.

Ngayong 2023, umabot na sa halos 1,600 na solar lamp ang naipamahagi ng Foundation na nakatulong sa mga magsasaka, mangingisda, forest ranger, mga delivery rider, at mga tindero sa daan na naghahanap buhay sa mga malalayong komunidad.

Maraming probinsya ang natulungan ng Light Up Pilipinas ngayong taon gaya ng Rizal, Cebu, Antique, Bulacan, Cagayan, Aurora, Laguna, Zambales, Ilocos Norte, at Catanduanes.

Kabilang sa mga nakatanggap ng solar lamp ang 227 na pamilyang naninirahan sa coastal na komunidad sa Aurora, partikular na ang mga residente ng Barangay Dibut sa San Luis at Sitio Dialang sa Barangay San Ildefonso sa munisipalidad ng Casiguran.

PAGHAHATID NG LIWANAG SA MGA LIBLIB NA KOMUNIDAD. Higit sa 200 na pamilya mula sa mga piling barangay sa munisipalidad ng Casiguran sa Auroa ang natulungan ng Light Up Pilipinas.

Nagpahayag naman ng taos pusong pasasalamat ang mga residente ng komunidad sa dedika­syong ipinamalas ng OMF, Meralco Rescue Team (MRT), at Bureau of Fire and Protection (BFP) Pasig sa pagtulong sa komunidad. Bumyahe pa kasi sila ng 27 na oras papunta at mula sa mga naturang barangay upang maghatid ng mga solar lamp.

“Lubos akong nagpapasalamat sa One Meralco Foundation dahil talagang bumyahe sila nang malayo para maabot ang aming komunidad. Malaking tulong sa amin ang mga solar lamp na kanilang ibinigay dahil wala pa po kaming serbisyo ng kur­yente rito sa aming lugar. Makatutulong po ito sa aming kabuhayan at sa pag-aaral ng aking mga apo,” ani Mrs. Virginia Bernabe, isang residente ng Barangay Dibut.

Nagbigay pasasalamat din si San Ildefonso Barangay Captain Proceso P. Moreno sa inisyatibang ito ng Foundation, sabi nya: “Nagpapasalamat ako sa One Meralco Foundation sa pagpili sa aming barangay para matulungan ng kanilang programa. Binigyan nila kami ng mga solar lamp na makakatulong sa aking mga kababayan dito sa pangingisda at pagsasaka.”

TULONG SA KABUHAYAN. Kaya nang mangisda ng mga residente ng Antique sa gabi sa tulong ng solar lamp na ibinigay sa kanila ng One Meralco Foundation sa ilalim ng programang Light Up Pilipinas.

Kabilang din sa mga natulungan ng ­programang Light Up Pilipinas ang mga forest ranger ng Norzagaray, Bulacan na na­ngangalaga sa gubat ng Ipo Watershed na may lawak na 6,000 square meter, na bahagi ng Sierra Madre.

Bago sila nagkaroon ng mga solar lamp, kina­kailangang gumawa ng paraan ang mga naturang forest ranger upang makapagtrabaho nang maayos sa gabi. Minsan ay guma­gamit pa sila ng sariling pera para makabili ng mga bagay na kanilang kaila­ngan sa trabaho.

Ayon kay Danilo Santos, residente ng Sitio Sapang Munti at may tatlong dekada nang nagsisilbi bilang forest ranger o bantay gubat sa lugar, bumibili sila ng sariling flashlight para may magamit na liwanag sa pag-ronda sa gabi. May mga insidenteng gumagawa rin sila ng sarili nilang apoy gamit ang mga tuyong dahon at tangkay ng mga puno. Magastos aniya ito at nakadaragdag din sa kanilang pagod.

PAGPAPADALI NG HANAPBUHAY. Hindi na kinakailangang bumili ng flashlight ang mga bantay gubat ng Norzagaray, Bulacan gamit ang kailang sariling pera para sa kanilang trabaho matapos matanggap ang mga solar lamp mula sa One Meralco Foundation.

Ngayong mayroon na silang solar lamp na magagamit sa pagbabantay sa gubat ng Sierra Madre, mas ligtas at mas episyente nang nagagawa ng mga forest ranger ang kanilang trabaho, lalo na ngayong kinakailangan nila maging mas mapagmatyag at mahigpit sa paghuli ng mga nagsasagawa ng ilegal na kaingin.

 

Pagsusulong ng adbokasiya sa tulong ng ibang organisasyon

Ayon sa World Bank Global Electrification Database, na siyang sumusubaybay sa United Nations (UN) Sustai­nable Development Goal (SDG) 7 o ang Energy Progress Report, 97.5% ng populasyon ng Pilipinas ay mayroong serbisyo ng kuryente batay sa datos nito para sa taong 2021.

Bagama’t maituturing na mataas ang naturang numero, mayroon pa ring mga Pilipinong nananatiling walang serbisyo ng kuryente. Ang nati­tirang 2.5% ay katumbas ng daan-daang libong pamilya na nananatili sa dilim sa paglubog ng araw.

Sa tulong ng programang Light Up Pilipinas, magpapatuloy ang OMF sa pagtupad sa misyon nitong mapuntahan ang pinakamalalayong barangay sa bansa at matulu­ngan ang mga Pilipinong hindi pa nagakakaroon ng serbisyo ng kuryente.

Bukod sa pinansyal na tulong mula sa MEFCI para sa Light Up Pilipinas, nakikipagtulungan at sanib-­pwersa rin ang OMF sa iba’t ibang organisasyon at institusyong nagnanais ding tumulong sa mga Pilipinong naninirahan sa mga underserved at unserved na komunidad na nababalot pa rin ng kadiliman hanggang sa ngayon.

Ang One ­Million Lights Philippines (OML), isang nationally awarded, youth-led, at non-profit na organisasyon na ang misyon ay makatulong sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay din ng liwanag, ang unang naging partner ng OMF sa Light Up El Nido project, na siyang nagbigay-daan sa pagsisimula ng programang Light Up Pilipinas.

PAKIKIPAGTULUNGAN SA MGA ORGANISASYON. Nakikipag-sanib pwersa ang One Meralco Foundation sa iba’t ibang ahensya sa pagtulong sa mga unserved at underserved na komunidad sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo ng kuryente.

Ilan pa sa mga orga­nisasyong naging partner ng OMF sa Light Up Pilipinas ang Xavier Science Foundation, Inc., Ortigas Center Mountai­neers, Inc., Manila Water Foundation, Philip­pine Navy, Philippine Army, Department of Environment and Natural Resources of the Philippines, at lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte.

“Hindi hihinto ang One Meralco Foundation sa pagsusulong ng misyon nitong makapagdala ng liwanag sa mga madilim na sulok ng bansa. Ang pagpunta at pagtulong sa mga pinakamalayong barangay at komunidad ang nagbibigay ng saysay at kahulugan sa mga programa at inisyatiba ng Foundation,” pahayag ni OMF President Jeffrey O. Tarayao.