ANG GLOBAL warming at climate change ay ilan lamang sa mga seryosong isyung pangkalikasan na kinakaharap hindi lamang ng Pilipinas kundi ng buong mundo.
Ngayon lamang ay damang-dama ang pagtindi ng pagtaas ng temperatura sa bansa kaugnay ng panahon ng tag-init. Maaaring hindi namamalayan ng iba ngunit ito mismo ay epekto na ng global warming.
Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman at kamalayan ukol sa isyung ito ay lubhang napakahalaga dahil ito lamang ang tanging paraan upang makagawa ng epektibong plano kung paano ito tutugunan. Bukod dito, mahalaga rin ang pagkakaisa dahil ang isyu ng global warming at climate change ay hindi lamang problema ng pamahalaan kundi problema ng sambayanan. Kailangang magtulungan sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang programa at inisyatibang kokontra sa paglala nito.
Ang Meralco bilang pinakamalaking distribyutor ng koryente sa bansa ay isa rin sa mga tagapagtaguyod ng sustainability. Batid ng kompanya ang kahalagahan ng adbokasiyang ito lalo na sa pagtulong sa pagtugon sa isyu ng global warming at climate change. Kaya naman isa sa mga pangunahing programa sa ilalim ng sustainability agenda nitong Powering the Good Life ay ang One for Trees.
Ang One for Trees ang environmental advocacy program ng Meralco na pinangangasiwaan ng One Meralco Foundation (OMF), ang social development arm ng kompanya. Layunin ng programang ito na pag-ingatan at pangalagaan ang planeta sa pamamagitan ng pagtatanim at pangangalaga ng mga puno sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasabay ng selebrasyon ng Earth Day ngayong taon, ipinagdiriwang din ng One Meralco ang pag-abot sa dalawang milyon ng bilang ng mga puno na naitanim ng kompanya sa ilalim ng nasabing programa. Maaasahang tataas pa ang bilang na ito sa mga susunod na taon dahil target ng One for Trees na makamit ang bilang na limang milyong puno sa pagsapit ng taong 2026.
Kung hindi ninyo nalalaman, kaiba sa mga pangkaraniwang tree planting activity, hindi lamang pagtatanim ang ginagawa sa ilalim ng programang One for Trees. Upang tunay na makatulong sa pangangalaga sa kalikasan, kabilang sa sinisiguro ng OMF na ang mga itinanim ay mabubuhay, tutubo, at magiging ganap na mga puno.
Bukod sa aktibong pagtulong sa pagpaparami ng mga puno sa bansa, kabilang din sa layunin ng One for Trees ang pagtulong sa mga miyembro ng komunidad kung saan ito may aktibong proyekto. Ang mga miyembro ng komunidad na nangangailangan ng kabuhayan ay nabibigyan ng hanapbuhay. Sila ay nagiging bahagi ng programa at inaatasan ding magtanim at mangalaga ng mga puno sa kanilang komunidad.
Taong 2019 nang inilunsad ng One Meralco ang programang One for Trees. Sa loob ng humigit kumulang apat na taong pagtakbo nito, umabot na ang inisyatiba sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas gaya ng Bohol, Bukidnon, Aklan, Agusan del Norte, Pampanga, Bulacan, Laguna, Quezon City, pati na rin sa Panay, at Cebu.
Isa sa mga inisyatiba kamakailan ng One for Trees ang pagtulong sa Bakhawan Ecopark na matatagpuan sa gita ng Kalibo sa Aklan. Ipinangako ng OMF na susuportahan nito ang rehabilitasyon ng naturang mangrove forest. Kabilang sa tulong na hatid ng programa ang pagtatanim ng 100,000 na puno upang muling buhayin ang kagubatan sa lugar.
Sa pagbabahagi ni OMF President at Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer Jeffrey O. Tarayao, ipinahayag niya na ang mga makabuluhang pagbabagong hatid ng programang ito sa mga komunidad ay maituturing na patunay sa pagiging epektibo ng mga grassroot partnership ng OMF sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
Ayon kay Meralco President & CEO at OMF Vice Chairman Atty. Ray C. Espinosa, “our reforestation efforts are in line with One Meralco’s wholistic approach to embed sustainability not just in our business operations, but also in the development of the communities we serve. As we continue to engage more stakeholders in environmental protection and conservation, we remain committed to helping ensure that the responsibility and benefits of investing in our planet is shared by all.”
Ang One for Trees ay isa lamang sa programa ng One Meralco sa ilalim ng sustainability agenda nito na nakabatay at sumusuporta sa iba’t ibang United Nations Sustainable Development Goal. Bukod sa paghahatid ng sapat at maaasahang serbisyo ng koryente sa 7.6 milyong mga customer ng kompanya, ang One Meralco ay naglulunsad din ng iba’t ibang programa at inisyatibang tumutulong sa mga komunidad sa loob at labas ng prangkisa nito.