HINDI niya inaasahan na ang propesyon na minsan niyang tinalikuran ang magbibigay sa kanya ng maraming pagkilala, tagumpay at kaginhawaan sa buhay.
Ito ang success story ni Rolando M. Rocapor, na kilala sa tawag na “Lando”, diesel mechanic, farmer, technician, innovator, scientist at 1st runner-up winner sa katatapos na national search para sa 2018 TESDA Idols, Self-Employed Category-Region l entry na may trade qualification na Agriculture and Fishery.
Simula sa pagkabata ay tumutulong na si Lando sa kanyang mga magulang sa pagsasaka ng kanilang bukirin sa Brgy. Tabtabungao, Rosario, La Union.
Pangarap nitong maging pulis, subalit dala ng kahirapan, pagka-graduate ng high school ay pinag-enroll siya ng kanyang mga magulang sa Pangasinan Merchant Marine Academy (PMMA) sa Dagupan kung saan kumuha siya ng 2-year course na Diesel Mechanic. Siya ay nagtapos noong 1987.
Agad naman siyang nakapagtrabaho at naging chief mechanic sa isang trucking firm na nakabase sa San Juan, La Union at nang makaipon ay bumalik siya sa pagsasaka noong 1991 dala na rin nang pakiusap ng kanyang mga magulang.
Sumailalim siya sa iba’t ibang trainings at seminars sa Department of Agriculture (DA) Training Institutes at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Lahat ng kanyang nalalaman at mga bagong innovations kaugnay sa integrated farming ay kanyang iniaaplay sa kanilang farm at ibinabahagi rin sa mga kapuwa magsasaka sa kanilang lugar upang matulungan sila na mapaunlad ang kanilang ani at pamumuhay.
Kabilang dito ang organic at agricultural crop production, livestock production, dragon fruit-malunggay production technology, mango-vinegar production at zero waste technology at babuyang walang amoy, organic fertilizer, organic insecticide at marami pa.
Holder siya ng Agricultural Crops Production NC ll at Organic Agriculture Production NC ll at taong 2014 ay ipinarehistro nito ang kanyang farm bilang training site para mag-alok ng mga kurso sa nasabing mga kuwalipikasyon.
Napili rin siyang pamunuan ang iba’t ibang farmers organization sa kanilang lugar at maging sa buong lalawigan ng La Union at kasalukuyang presidente siya ng Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP).
Kabilang sa mga natanggap nitong award at mga pagkilala ay ang 2010 Most Outstanding Aerobic Rice Farmer; 2011 Most Outstanding Rice Farmer Adopting Integrated Farming Systems; 2013 Outstanding Farm Family; 2014 Ropacor Family Hall of Fame Award at ang Gawad Saka Outstanding Farm Family; at Outstanding Farmer of the Philippines 2015 at 2018.
Ang Rocapor Farm ay binigyan din ng accreditation ng TESDA bilang assessment center of agriculture sa La Union. Ang mga estudyante ay maaaring kumuha ng agri-based technical vocational course, na kung pumasa ay maaari silang makakuha ng National Certificate ll o lll sa TESDA.
Sa kasalukuyan, ang kanyang farm school ay may mahigit sa 109 agriculture students, 62 rito ay stay-in habang 47 ay uwian.
Maging ang kanilang dalawang anak ay naimpluwensiyahan niya sa pagsasaka dahil nakakatuwang na nila ito sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo, katunayan, ang kanyang panganay ay nagtapos ng kursong agriculture.
Ang kanyang kaalaman sa diesel mechanic ay kanya pa ring ginagamit para sa pag-maintain ng mga traktora at iba pang farming tools at itinuturo rin niya ito sa kanyang mga mag-aaral.
“Maraming-maraming salamat sa mga agencies na partner namin. Sana hindi sila magsasawa na sumuporta sa amin lalong-lalo na ang TESDA. Sana lalo pang palawakin at pagandahin ang kanilang mga programa para lalong makatulong sa ating mga kabataan, out-of-school youth at sa ating mga kababayan,” ani Rolando.