POSIBLENG maibalik na ang biyahe ng mga bus sa pagitan ng mga probinsya at ng Metro Manila ngayong buwan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra, inaayos na ng transport authorities ang mga pinal na paghahanda para sa pagbabalik ng mga ruta ng bus sa pagitan ng Metro Manila at ng iba pang bahagi ng bansa bagama’t karamihan sa mga probinsya ay nananatiling atubili na buksan ang kanilang borders para sa pagbiyahe papasok at palabas ng Metro Manila.
“Inaayos lang po natin and hopefully we will be able to open it within the month,” sabi ni Delgra sa isang virtual press briefing.
Ang mga provincial bus ay binawalang pumasok sa Metro Manila at pinapayagan lamang na magsakay ng kalahati ng kanilang passenger capacity habang nananatili ang buong bansa sa ilalim ng magkakaibang quarantine levels.
Ang Metro Manila ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine hanggang sa katapusan ng buwan.
Ayon kay Delgra, apat lamang sa 81 lalawigan na kinonsulta ang bukas sa pagbabalik ng bus operations papasok at palabas ng Metro Manila, tulad ng Bataan at Quirino.
“Marami po sa kanila ang ayaw pa magbukas ng borders lalo na doon sa mga ruta na manggagaling ng Metro Manila,” aniya.
Bagama’t maraming lugar sa bansa ang nagluwag na ng travel restrictions, sinabi ni Delgra na kailangang konsultahin ang local government units sa inter-regional travel dahil may mga limitasyon dahil sa pandemya.
“We need to coordinate with the LGUs concerned kasi sila ang sasalo ng mga pasahero and since we are in the context of a pandemic, naghahanda din yung mga LGUs paano nila ihahandle ‘yung pasahero,” aniya.
Comments are closed.