DINISPATSA ng Petron ang Smart-Army, 25-12, 25-15, 25-17, upang kunin ang isang ticket sa finals sa Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference kahapon sa Muntinlupa Sports Center.
Umabante sa finals sa ika-5 sunod na pagkakataon magmula noong 2016 Grand Prix, makakasagupa ng Blaze Spikers ang magwawagi sa F2 Logistics at Cignal sa best-of-three championship series na magsisimula sa Huwebes sa FilOil Flying V Centre.
Pinangunahan nina Sisi Rondina at Aiza Maizo-Pontillas ang pag-atake ng Petron na may tig-9 na puntos, habang nag-ambag sina Ces Molina at Mika Reyes ng 8 at 7 hits, ayon sa pagkakasunod.
“It was an unpredictable match-up for us. So we focused on our team, our strengths and good thing we executed it well,” wika ni Petron head coach Shaq Delos Santos, na nagtatangka sa kanyang ikalawang sunod na titulo sa season.
Kinailangan lamang ng Petron ng 70 minuto upang igupo ang Smart-Army kung saan magaan silang nagwagi sa unang dalawang sets at umalagwa sa 20-14 kalamangan mula sa pitong sunod na puntos bago naitala ni Rondina ang kanilang huling limang puntos.
Sa unang laro ay matikas na tinapos ng Generika-Ayala ang kampanya nito nang igupo ang Sta. Lucia, 25-10, 24-26, 25-10, 25-18, upang kunin ang fifth place.
Naging susi si Patty Orendain sa panalo ng Lifesavers, na bumawi mula sa nakapanlulumong pagkatalo sa Smart-Army sa quarterfinals.
Tumapos si Orendain na may 23 points habang gumawa si Angeli Araneta ng 14 hits para sa Generika-Ayala, na mainit na sinimulan ang conference na may 3-1 kartada bago yumuko sa eksperyensadong Giga Hitters sa playoffs.
Impresibo rin ang ipinamalas ni Fiola Ceballos sa kinamadang 13 markers, 20 digs at 9 excellent receptions, habang prinotektahan ni libero Kat Arado ang floor na may 19 digs at 9 receptions.
“Actually, our lost in the quarterfinals really hurt us. But I told my players that we cannot deal with that forever, we have to accept it and move,” wika ni Generika-Ayala head coach Sherwin Meneses.
“So I told them that if we will not play well today we will fail to bounce back from that loss because our goal here is to keep on improving our record.”
Natalo ang Lifesavers sa second set nang gumawa ng dalawang krusyal na errors, na nagbigay-daan upang maitabla ng Lady Realtors ang match sa 1-1.
Subalit, hindi sila tuluyang bumigay at nakabawi sa third set sa pamamagitan ng isa pang 15-point rout para sa 2-1 set lead.
Kumawala ang Generika-Ayala sa fourth set sa pamamagitan ng 19-13 kalamangan, subalit nakalapit ang Sta. Lucia sa 20-15, bago naitala ni Oren-dain ang apat sa kanilang huling limang puntos upang selyuhan ang fifth finish.
Masaklap ang pagkatalo ng Lady Realtors, na nagtapos sa ikatlong puwesto sa Pool B na may 3-3 marka bago yumuko sa F2 Logistics sa quarterfinals.
Comments are closed.