Mga laro ngayon:
(STRIKE Gym, Bacoor)
4:30 pm — Cignal vs Smart-Army
8 pm — Sta. Lucia vs Cocolife
TARGET ng Cocolife at Cignal na makasalo sa maagang liderato sa magkahiwalay na laro sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference ngayon sa STRIKE Gym sa Bacoor, Cavite.
Tatangkain ng Asset Managers na makopo ang ikalawang sunod na panalo laban sa Sta. Lucia Realty sa main game sa alas-8 ng gabi matapos ang salpukan ng Cignal at Smart-Army clash sa alas-4:30 ng hapon.
Nakabawi ang HD Spikers mula sa first-set lost bago dinurog ang UE-Cherrylume, 19-25, 26-24, 25-21, 25-22, noong Martes upang mainit na simulan ang kanilang title-retention bid.
Inaasahang muling pangungunahan nina Mylene Paat at Rachel Anne Daquis, na nagbida sa Cignal na may 20 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, ang koponan laban sa seasoned Smart-Army squad na sariwa pa mula sa unang franchise win nito makaraang ibasura ang kulang sa taong Sta. Lucia sa straight sets, 25-14, 25-16, 25-23, noong Lunes.
Nagtatangka rin sa liderato ang Asset Managers, na sisikaping magamit ang kanilang natutuhan mula sa 22-25, 25-13, 25-22, 25-18 pagdispatsa sa UE-Cherrylume.
Sinabi ni Cocolife head coach Moro Branislav na ang kanilang unang laro ay isang acid test dahil hinahawakan niya ang isang bata at pinalakas na roster na pinangungunahan ng 20-anyos na si Gyra Barroga, gayundin nina Denice Tan at Justine Tiu.
“I understand that this is a new life for Cocolife. Completely different situation and different sets of players,” wika ni Branislav.
“My new players are good but we relaxed a bit against UE and we cannot do that now since we are facing a stronger team.”
Samantala, patuloy na hindi makakasama ng Sta. Lucia ang tropa nina Jho Maraguinot, Toni Rose Basas at libero Rica Rivera sa pagtatangka nitong makabawi mula sa pagkatalo sa Smart-Army.
Si Maraguinot ay nanganganib na mawala sa buong conference dahil sa muscle strain.
Hindi rin tiyak kung kailan makababalik si Basas dahil ang kanyang infected ear operation ay muling susuriin sa Sabado, habang si Rivera ay inaasahang sa All-Filipino Cup pa babalik dahil sa knee injury na kanyang natamo habang naglalaro para sa University of Santo Tomas noong nakaraang UAAP Season 80.
Sa kabila ng pagkawala ng tatlong key players, nananatiling kumpiyansa si Sta. Lucia head coach George Pascua sa kanyang Lady Realtors, sa pangunguna nina mainstays MJ Phillips, Pam Lastimosa at setter Rebecca Rivera.
“We are still confident. My remaining players are very capable to take bigger responsibilities. We just have to lessen our errors in the coming games,” wika ni Pascua.
Comments are closed.