NALUSUTAN ng Smart ang Sta. Lucia, 25-20, 25-19, 25-23, upang mainit na simulan ang kanilang kampanya sa Philippine Superliga All-Filipino Conference kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Matapos ang mahabang pahinga, ipinaramdam ni Gretchel Soltones ang kanyang presensiya kung saan pinangunahan niya ang Giga Hitters sa prestihiyosong torneo.
Humataw si Soltones, dating San Sebastian College star, ng game-high 17 points upang madominahan ang spike department sa opening salvo ng torneo.
“I’m very happy to be back after one year,” pahayag ni Soltones, na bahagi ng national team na sumabak sa AVC Asian Women’s Cup kamakailan.
“We’re very happy to play in a high-level tournament.”
Kumawala ang Smart sa 19-19 pagtatabla sa third set sa pagkamada ng limang sunod na puntos upang maabot ang match point, 24-19.
Nakalapit ang Sta. Lucia sa isang puntos, 23-24, subalit bumanat ang Smart ng malakas na atake para sa game-winner.
Minaliit ni Smart coach Roger Gorayeb, nagbalik sa liga makaraan ang limang taon, ang kanilang mainit na simula.
“I’m happy with the win, we’ve prepared for this and I want all of my players to gain confidence as early as today,” aniya.
Tumapos si team captain Pam Lastimosa na may 8 points para sa Sta. Lucia.
Comments are closed.