NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa Seoul dahil sa kasong pagpatay noong nakaraang buwan.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Lee Hoonhee, 47, anyos, at nahuli ito ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) noong araw ng Huwebes sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Morente, naaresto ito sa bisa ng mission order na kanyang inisyu laban kay Lee, makaraang ipagbigay alam ng South Korean Embassy, na may nakabinbin na warrant of arrest ito na inisyu noong Didyembre 23 ng Incheon district court.
Nabatid kay FSU Chief Bobby Raquepo, na si Lee ay subject ng red notice ng Interpol na may kinalaman sa kanyang arrest warrant kaugnay sa kasong pagpatay.
Agad naman ito ipade-deport bilang isang undesirable alien, at hindi na ito muling makakabalik sa Filipinas.
Batay sa report na nakarating sa BI umupa si Lee ng dalawang motorcycle hired killers upang patayin ang kanynag kababayan noong Disyembre 18 na kanyang pinagkakautangan ng malaking halaga.
Nakakulong ito sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportation order ng BI Board of Commissioners. FROI MORALLOS
Comments are closed.