BULACAN – SUGATAN ang dalawang tulak ng illegal na droga nang kumasa sa mga tauhan ng PNP Anti-Drug Operation na ikinasugat rin ng isang opisyal ng PNP sa Brgy, Pandayan sa siyudad ng Meycauayan nitong Linggo ng madaling araw.
Sa report na tinanggap ni Bulacan PNP Provincial Director Col. Satur Ediong, kinilala ang mga sugatang suspek na sina alyas Dan at alyas Analyn habang nasugatan din sa palitan ng putok si Cpt. Jocel Calvario, hepe ng Intel ng Drug Enforcement Unit na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kanyang binti.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa ng surveillance sa lugar nang bigla na lamang magpaputok ng baril ang isa sa mga suspek na papatakas na sa lugar lulan ng isang kotse, na naging dahilan para gumanti ng putok ang mga operatiba ng PNP.
Nakuha mula sa mga suspek ang 800 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P5,440,000.00 at isang Automatic 9MM Rifle (Uzi) na may 2 banana type na magazine na puno ng bala.
Samantala, agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga suspek at pulis na kapwa nasa ligtas ng kalagayan.
THONY ARCENAL