BATANGAS – NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga pulis na ang pamilya ay apektado rin ng paga-alboroto ng Taal Volcano.
Ayon kay PNP Chief, Lt. Gen Archie Gamboa, aabot sa 1,355 na mga pulis na ang pamilya ay apektado ng Taal Volcano eruption.
Ito ay mula sa unang ulat ni Gamboa na nasa 278 lamang ang mga pulis na ang pamilya ay apektado.
Aniya, ang mga pulis na apektado ng Taal Volcano eruption ay nakatalaga sa National Capital Region.
Tiniyak ni Gamboa na mabibigyan ng tig-P10,000 ang mga pulis na biktima ng Taal Volcano.
Samantala, patuloy namang nililikom ng PNP ang donasyong cash ng lahat ng PNP personnel at officials para i-donate sa mga sibilyang biktima.
Sinabi ni Gamboa, ang inaasahan lamang sana nilang maiipon ay nasa P2.5 million pesos dahil tig-P10 lang naman ang kanyang hiniling na voluntary contribution mula sa mga pulis.
Subalit mas malaking halaga pa ang kanilang maido-donate dahil may mga regional offices na mas mas malaking halaga ang ibinigay katulad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ang bawat isa ay tig-P100 habang ang mga opisyal ay tig-P3,000.
Paglilinaw naman ni Gamboa na hindi pa naido-donate ang cash dahil ina-assess pa nila ang mga pangangailangan ng mga apektadong sibilyan.
Marami pa rin aniya ang tumutulong sa mga panahong ito kaya hindi na muna nila minamadaling mai-donate ang nalikom na cash donation. REA SARMIENTO